WebClick Tracer

OPINION

PAL sablay pero DOTr Sec. Jaime Bautista petiks lang

Kung hindi nga lamang dumadating ang mga pagkakataong kailangan mo talagang bumiyahe sa pinakamabilis na paraan, talagang maeengganyo ka na mag-roro na lamang kung sa loob lang naman ng bansa ang iyong destinasyon.

Paano ba kasi samu’t-sari din naman ang kapalpakan ng ilang local airline companies kaya matinding abala ang inaabot ng mga pasahero.

Isang matinding halimbawa nito ay ang nangyari sa flight ng Philippine Airlines mula Davao City noong Sabado, Enero 14 kung saan, bumalik ang PR 1816 sa pinagmulang Francisco Bangoy International Airport.

Bagama’t wala pang nababalitang pasahero na nagkuwento ng personal na karanasan sa naturang flight, bilang isang madalas na mananakay ng eroplano, dama ko kung anong uri ng kaba, inip at inis ang kanilang pinagdaanan dahil sa tagal nila sa himpapawid bago muling makalapag sa paliparan na pinanggalingan bagama’t hindi pa naman sila nakakalayo nang magpasya ang piloto na ibalik ang eroplano.

Inabot din sila ng kulang-kulang isang oras na halos singhaba na ng biyahe ng Davao-Manila, bago muling nakalapag sa pinanggalingan dahil kailangan munang mag-ubos ng gasolina ang naturang flight para sa ligtas na bigat nito sa paglanding.

Ang usap-usapan, nagkaproblema daw sa cabin pressure (may kaugnayan sa suplay ng oxygen sa loob ng eroplano habang nasa himpapawid) ang naturang flight kaya ito ay ibinalik ng piloto sa Davao.

Matapos ito ay nakansela rin sa sumunod na araw ang isang biyahe ng PAL mula Maynila patungo ng Vancouver, Canada at bagama’t ang kanselasyon ay maaring may kaugnayan daw sa biyahe ni PBBM sa Davos, iginiit ng PAL na ang kanselasyon ng naturang flight ay dahil din sa technical issues.

Ang modelo ng eroplanong ginagamit sa rutang Manila-Vancouver at ang ginamit ni PBBM ay pareho subalit iginiit ng PAL na magkaiba ang registration number ng mga ito.

Ang PAL na mismo ang umamin na may problema nga sa kanilang eroplano at kung ganito ang situwasyon, hindi ba dapat na naglalabas ng pahayag si Department of Transportations Secretary Jaime Bautista patungkol sa bagay na ito?

Bilang dating namuno sa PAL, paniguradong alam ni Bautista ang totoong situwasyon ng naturang kumpanya lalo na sa usapin ng pagiging ligtas ng mga eroplano nito.

Hindi ba dapat niyang warningan ang PAL?

Lumulutang na ang mga problemang dapat bigyan ni Bautista ng matinong solusyon pero bakit parang siya ay pangiti-ngiti pa rin hanggang ngayon?

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on