WebClick Tracer

OPINION

Fluvial parade kaya sa West Philippine Sea?

Nakamamangha mga tropapips ang dami ng mga bangkang sumali sa nagbabalik na fluvial procession para sa kapistahan ng Poong Sto. Niño sa Cebu. Hirit ng ilang tropapips natin, kung gawin daw kaya ang parada sa West Philippine Sea?

Finger cross tayo mga tropapips na sana eh walang pagsipa ng COVID-19 sa bansa dahil balik-pre-pandemic na ang selebrasyon ng mga kapistahan sa bansa ngayong Enero.

Kahit walang Traslación o prosisyon ng imahen ng Itim na Nazareno sa Quiapo kamakailan, libu-libo naman ang dumalo sa tinawag na “Walk of Faith.” At pagkatapos nga pista ng Nazareno o Quiapo, pista naman ng Sto. Niño na idinadaos din sa maraming lugar sa bansa tulad ng Cebu at Tondo.

Balik na ang mga parada na dinagsa ng mga tao, at sa Cebu, nagkaroon ng fluvial procession na mula sa Mandaue City at Lapu-Lapu City pabalik sa Cebu City. Tinatayang mahigit 180 na bangka–kabilang ang mga kasinglaki ng mga ginagamit sa pamamalakaya–ang sumali sa parada.

Ang malikot na imahinasyon ng ilan nating kurimaw, sa lawak ng karagatan na sinakop ng mga bangkang sumali sa fluvial procession, ano raw kaya kung makakita ng ganito karaming bangka ng mga Pinoy ang mga Instik na nagbabantay at umaagaw sa West Philippine Sea?

Hindi naman daw siguro ikasasama ng loob ng mga Intsik kung magkaroon ng fluvial parade ang daan-daang mangingisda sa WPS [partikular siguro sa Panatag Shoal] kapag ginunita ang anibersaryo ng pagkapanalo ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal sa July.

Aba’y sila nga, kung saan-saan parte ng West Philippine Sea nakikita ang kumpol-kumpol nilang militia vessel na sinasabi nilang mga mangingisda. Hinarang pa ng barko nila sa Panatag Shoal ang barko ng Navy ng Pilipinas. At ngayon, may plano raw na magkaroon ng tandem ang Pilipinas at China para sa makapangisda sa WPS.

Hindi kaya madehado ang mga mangingisdang Pinoy sa ganyang usapan? Aba’y ang sasakyang pangisda na gamit ng mga Intsik, kasing laki na ng barko, habang bangka lang ang mga gamit ng mga Pinoy. Kaya nga nawarak ang bangka ng mga Pinoy noong sagasaan ng barkong pangisda ng China.

At baka umabot na naman iyon sa Korte Suprema kapag ganyan ang usapan na partnership sa dayuhan sa pagkuha ng likas na yaman ng dagat na sakop ng Pilipinas.

Kamakailan nga, naglabas ng desisyon ang SC na ilegal, walang bisa, at labag sa Konstitusyon ang pinasok na Joint Marine Seismic Undertaking ng liderato noon ni Gloria Arroyo sa China at Vietnam. Sa naturang kasunduan, parang binosohan nila ang dagat na sakop ng Pilipinas kung may langis .

Kahit 14 years ago nang tapos ang naturang kasunduan, naglabas pa rin ng desisyon ang SC. Kadalasan, kapag natapos na ang kasunduan o usapin na inireklamo sa SC, hindi na naglalabas ng pasya ang mga mahistrado dahil itinuturing na iyon na “moot,” o tapos na kaya alaw na ring wentang pag-usapan.

Pero sa isyu ng JMSU, naglabas pa rin ng pasya ang SC. Bakit nga ba? Sabi ng ilang miron, baka warning sa administrasyon na magdahan-dahan sa kung anumang kasunduan na papasukin sa China patungkol sa oil exploration na sakop ng Pilipinas, kahit pa sinabi ng China na sa kanila.

Ang isang malinaw, kung saan man parte ng WPS narororoon ang “142,886 square kilometers” na binanggit ng SC sa kanilang desisyon na binosohan ng JMSU, aba’y ibig sabihin, kinikilala ng mga mahistrado na sa iyon ay sakop at pag-aari ng Pilipinas.

At kung may plano ang Pilipinas na magsagawa ng pagmimina sa karagatan na malinaw na sa atin, baka puwedeng araw-araw na magsagawa roon ng fluvial procession para idalangin ang tagumpay ng mga magmimina. Makaangal pa kaya ang kabila? Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on