MATAPOS malamang may prostate cancer, todas ang isang senior citizen matapos magbaril sa sarili sa loob ng kanyang silid sa Camalaniugan, Cagayan kamakalawa.
Ayon kay Camalaniugan Police Station (CPS) deputy commander P/Capt. Roberto Alario, bago ang insidente, nalaman umano ng 62-anyos na lolo mula sa doctor na mayroon siyang prostate cancer na hinihinalang labis nitong dinamdam.
Sinabi ng CPS na naglilinis umano sa kusina ang misis ng biktima at nagulat na lamang ito sa narinig na putok ng baril. Nang puntahan ang biktima ay nakita niya na itong duguan at nakahandusay sa sahig.
Nakita sa crime scene ang .45 pistol na may tatlong bala at isang basyo ng bala.
Sa medico legal, ang biktima ay nagbaril sa kanyang lalamunan na tumagos sa kanyang likurang leeg na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan. (Allan Bergonia)