WebClick Tracer

OPINION

Tatlong itlog

Walang puknat ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado sa nagaganap na smuggling sa bansa. Una, sa Senate committee on agriculture ni Senador Cynthia Villar. Noong Huwebes naman, ang Senate committee on energy naman ni Senador Raffy Tulfo ang bumakbak sa isyu ng smuggling.

Naglabas pa ng pangalan si Tulfo ng mga taong umano’y nagpupuslit ng langis sa bansa. Katakot-takot na sermon ang inabot ni BOC special agent II Anthony Escandor. Bago matapos ang hearing, humingi ng paumanhin ang senador dahil hindi raw dapat si Escandor ang humarap sa komite kundi ang matataas na opisyal ng Customs.

“It should have been your commissioner or deputy commissioner, but they sent you to me at alam nila kasi magigisa sila kaya ikaw ang pinambala sa kanyon,” wika ni Tulfo sa pobreng agent ng BOC.

May tinatago ba ang mga opisyal ng BOC kaya agent lang ang kanilang pinadala sa komite dahil alam nilang magigisa sila sa isyu ng fuel marking?

Maraming dapat kalkalin ngayon sa Customs lalo na ang bali-balitang may tatlong taong naghahari raw ngayon sa ahensiya.

Bukod sa isang alyas “Eugene”, aba’y may nadagdag pang dalawang pangalan na isang Andrew at isang Aaron daw ang malalakas ngayon sa Aduana.

Sila raw ang nagpapalusot ngayon ng mga produktong agrikultura tulad ng sibuyas. Aba’y anak ng tipaklong kaya naman pala maraming umiiyak na magsasaka dahil sa tatlong ito.

Hindi lang daw iyan ang madali nilang nailalabas sa Aduana dahil mala-express shipment din ang proseso ng mga bakal at general merchandise. Buti na lang, hindi tayo nag-iimport ng itlog dahil kung nagkataon ay puwede nating tawaging tatlong itlog sina Eugene, Andrew at Aaron sa Customs.

Malawak daw ang kamandag ng tatlo dahil abot hanggang Subic at Cebu Port ang kanilang operasyon. Ipinangangalandakan nila na malakas sila sa malapit na kamag-anak ng First Family.

Kapag nalaman ito ni Pangulong Bongbong Marcos, aba’y may pagkakalagyan ang mga ito lalo pa’t galit sila sa mga gumagamit sa kanilang pangalan. Marami na siyang sinipang opisyal ng gobyerno at hindi siya mangingiming gamitin ang kamay na bakal laban sa tatlo.

Samantala, marami pang dapat gawin ang Senado sa isyu ng smuggling. Kumbaga, pinapainit pa lamang nila ang kalan bago gisahin ang mga taong nagpapabaya sa kanilang trabaho.

Utang tayo nang utang pero iba naman pala ang ginagawa ng mga taong nangongolekta dapat ng tamang buwis sa mga pumapasok na produkto sa bansa. Haynaku!

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on