WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

5 timbog sa pinuslit na P2.5M sibuyas

Arestado ang lima katao habang nakumpiska sa kanila ang mahigit sa P2.5 milyon halaga ng puslit na sibuyas na nagmula sa bansang India matapos masabat ang kanilang bangkang de motor sa karagatan sakop ng Zamboanga City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang naarestong sina Mark Dolontino; Rodolfo Suganat, 52; Aldisar Abdulmajid, 26; Samson Abdulmajid, 53; at Sadimar Abdulmajid, 20, pawang residente ng nasabing lungsod.

Sa ulat ni Police Major Shellamie Chang, tagapagsalita ng Police Regional Office 9, alas- 4:05 ng hapon nitong Linggo nang magpatrolya sa dagat ang puwersa ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company “Seaborne”, Zamboanga City Police Station 10, Bureau of Customs, Intelligence and Investigation Service at Enforcement and Security Service sakop ng Barangay Labuan ng lungsod na ito.

Nasabat ng awtoridad ang isang motorboat lulan ang mga suspek at nang tingnan ito ay tumambad sa kanila ang nasa 1,624 mesh bags na naglalaman ng tig-4 kilo ng sibuyas kada isa na tinatayang nagkakahalagang P2,598,000.

Walang naipakitang dokumento ang mga suspek sa dala nilang kargamento kaya agad silang hinuli. (Edwin Balasa/Catherine Reyes)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on