Kung tutuusin wala nang kailangan pang patunayan pa ang multi-awarded at internationally-acclaimed actor na si Allen Dizon pagdating sa pag-arte.
Sa major award giving bodies kasi at maging sa A-list film festivals abroad, masasabing quotang-quota na siya sa dami ng mga parangal at tropeong naiuwi.
Pero para kay Allen, wala pa siyang balak magretiro sa pag-arte dahil mahal na mahal niya ang kanyang craft.
Sa taong ito, bilang pangbuwena mano mapapanood si Allen sa pelikulang “Latay” kung saan ginagampanan niya ang papel ni Nardo, ang battered husband na biktima ng bayolenteng misis na binibigyang buhay ni Lovi Poe.
Ani Allen, nagkapisikalan daw talaga sila sa pagi-execute ng ilang maseselang eksena nila sa pelikula.
“Kahit chinoreo namin ni Lovi iyong eksena, nahirapan talaga kami dahil hindi maiiwasang magkapisikalan kami, lalo na iyong karakter ko na bugbog-sarado niya sa pelikula. Tapos ang liit pa noong kuwarto so talagang nagkaroon kami ng bruises sa aming confrontation scenes,” pahayag niya.
At saka dahil lalake ako at ang laki ko sa kanya, dahil nadala na rin kami, wala akong nagawa kundi tanggapin na lang ang mga bugbog ko sa kanya,”dugtong niya.
Hirit pa niya, kahit hindi raw siya iyong tipong inaander ng misis sa tunay na buhay, nakakaramdam din daw siya sa simpatiya sa karakter ni Nardo.
Payo pa niya, kung may problema raw na pinagdadaanan ang mag-asawa, mas makabubuting pag-uusapan ito at iresolba at kung hindi naman madadala sa mapayapang usapan ay mas makabubuting maghiwalay na lang sila.
Dagdag pa niya, ang main foundation daw kasi ng union ng couple ay love at respect at kung wala na ang isa man sa mga ito, hindi na puwedeng mag-work ang anumang relationship. (Archie Liao)