Nabanggit ng director ng “Ako Si Ninoy” na si Director Vince Taῆada na naging super close ang cast sa shooting nang nabanggit na pelikula. Ramdam at kita ng media ang closeness ng cast, lalo na sina Cassy Legaspi at JK Labajo na magkatabi sa upuan.
Madalas nagtatawanan ang dalawa at tila may pinag-uusapan na sila lang ang nakakaalam. Tawang-tawa si JK kapag sinasabi ni Cassy ang favorite expression yata niyang “Sheesh” na ilang beses nitong binanggit.
Binalikan ng press ang naging Twitter war nina JK at Darren Espanto na very close kay Cassy, ano raw kaya ang reaction ni Darren na friends sina JK at Cassy? Pero, 2018 pa ang isyu nina JK at Darren. Siguro naman nakapag-usap na ang dalawa at nagkapaliwanagan na. I’m sure nag-move on na ang dalawa, kaya move on na rin kayo mga Marites.
Hindi pala namin nabilang kung ilang beses sinabi ni Cass yang “Sheesh.” Ang pinakamahaba at natawa siya ng husto ay nang ikuwento na kakanta pala siya sa pelikula.
“Hindi ko ini-expect na kakanta ako. Sheesh! Akala ko typical student lang ang role ko. For the singing part, nag-voice lesson ako. For Pray and practice ang preparation ko at sa ibang eksena, kinausap ko ang mga victim to hear their story,” sabi ni Cassy.
Wala pang playdate ang “Ako Si Ninoy” at ang sabi ni Direk Vince, ang desisyon ng Reality Films na co-producer ng kanyang PhilStagers Films ang kanyang susundin. Ang tiniyak, para sa EDSA Revolution ang kanyang pelikula.
Lito hindi mukhang 67
Sa pre-Valentine’s Day lunch treat ni Senator Lito Lapid with the entertainment press, nabanggit na “matanda” na siya at “senior citizen na siya.
Kung ibabase sa edad, senior na nga ang senador dahil 67 years old na siya. Pero, kung titingnan ang katawan at ang mukha, hindi aakalaing three years from now ay 70 years old na siya.
Bukod doon, malago pa rin ang buhok ni Sen. Lapid at itim na itim (hindi siya natanong at walang nakapagtanong kung nagtitina siya ng buhok.)
Higit sa lahat, wala pang maintenance medicine na iniinom ang senador.
Sa interbyuhan portion, natanong siya kung may mga iniinom ng maintenance medicine? Ang sagot, “Ay wala, wala pa akong iniinom na maintenance medicine” na kinainggitan ng mas mga bata sa kanyang press people na may mga maintenance medicines nang tine-take.
Ang sikreto ng senador? “Alaga lang sa katawan, kumain ng tamang pagkain at exercise. Importante ‘yun,” sagot nito sa mga reporter.
Anyway, 30 years ng public servant si Sen. Lito at sa tanong ng kanyang plano kapag natapos na ang kanyang termino, “Wala pa akong plano pagdating sa politika kapag natapos na ang termino ko,” sagot nito.
Ang malinaw, tuloy ang showbiz career ni Sen. Lito. Busy nga siya sa sunud-sunod na projects dahil kasama sa cast ng “Batang Quiapo.” Gagawin din niya ang “Buy Bust 2” sa Reality Films. May dalawa pa siyang pelikulang natapos at ang playdate na lang ng isang movie ang hinihintay. Ang isa kasi ay sa streaming app ipalalabas.