WebClick Tracer

NEWS

Colonel, 9 pulis yari sa kidnapping – NBI

Ni Nancy Carvajal

Nagsampa ang National Bureau of Investigation-Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) nitong Huwebes ng panibagong criminal at administrative complaint laban sa isang opisyal at mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) anti-drugs unit dahil sa kidnapping umano ng dalawang lalaki sa Maynila noong Abril 2021.

Dinukot umano ang mga biktima na kinilalang sina Brent Michael Bravo alyas `Rico’, 20, at John Phillip Viscarra, 25, ng mga operatiba ng NCRPO Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) na nasa ilalim ng pamumuno ni Col. Ryan Jay Orapa, sa loob ng isang apartment sa Amatista St., San Andres Bukid, Maynila noong Abril 17, 2021.

Bukod kay Orapa, kasama rin sa mga kinasuhang pulis sina Lieutenant Jesus Menez, Staff Sergeant Robert Allan Raz, Corporal Alric Natividad, Corporal Troy Paragas, Corporal Ronald John Lanaria, Corporal Ronald Montibon, Corporal Reynaldo Seno, Corporal Russel Solomon, at Corporal Christal Rosita.

Kasama sa kinasuhan ng NBI-TFAID sa Department of Justice ang dalawang police informant na sina Nicasio Apolonio Manio at Nicoles Manio na kasalukuyang mga nakakulong sa NBI Jail at tatlong iba pa.

“The abduction of Rico and John was the third case of kidnapping committed by the NCRPO-RDEU operatives within the month of April 2021, alone,” ayon sa NBI-TFAID report.

Nasa 11 katao umano ang dinukot ng mga operatiba ng NCRPO-RDEU na pinalabas na buy-bust operation.

“The series of abduction was done under the guise of a buy-bust operations with similar patterns resulting to the disappearance of the victims, who remained missing today,” dagdag pa ng NBI-TFAD.

Bukod sa kidnapping, kinasuhan din ng robbery ng NBI Task Force Against Illegal Drugs (TFAID) ang mga nabanggit na pulis dahil tinangay umano ang mga personal na gamit at pera ng mga biktima mula sa kanilang apartment.

“NCRPO-RDEU operatives and their civilian assets took the safety deposit box of one of the victims, Rico containing undetermined amount of cash and other personal belongings inside the latter’s apartment through force and intimidation,” saad sa NBI report.

Ayon sa isang NBI agent na pamilyar sa kaso, na-record lahat ng ebidensya ng pagdukot at robbery sa CCTV ng apartment.

Kasama anya ang CCTV footage sa mga ebidensya na isinumite sa DOJ.

Nag-ugat ang pagkalkal ng NBI sa kidnapping dahil sa sumbong ng isang Julie Rose Togonon, 23-anyos, tungkol sa insidente.

Kabilang pa sa mga documentary evidence na isinumite ng NBI-TFAID ay coordination forms mula sa Philippine Drug Enforcement Agency at mga report ng NCRPO-RDEU.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on