WebClick Tracer

NEWS

Itlog sapol ng taas-presyo sa petrolyo

Aminado ang isang opisyal ng grupo ng egg producer sa bansa na apektado rin ng taas-presyo sa langis ang kanilang mga produkto.

Inihayag ito ni Philippine Egg Board chairman Gregorio San Diego bilang reaksyon sa pahayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagtataka kung bakit malaki ang diperensya ng farm gate at retail price ng itlog sa mga pamilihan.

Sa isang panayam, ipinaliwanag ni San Diego na mayroong epekto sa itlog kapag nagkakaroon ng taas-presyo sa krudo gundin sa mga toll gate, lalo pa iyong mga nanggagaling sa malalayong farm at kinakailangang ibiyahe para iluwas sa mga palengke.

Una nang sinabi ng mga egg producer na apektado ang kanilang produksyon ng pagtaas ng presyo ng feeds bukod pa sa nagkaroon din ng bird flu kaya sapol ang mga manukan.

Sa tanong kung tataas pa ang presyo ng itlog, sinabi ni San Diego na ekonomiya ang nagdidikta sa halaga ng mga bilihin.

Samantala, sinabi ni Senador Cynthia Villar na wala umanong kakulangan sa supply ng itlog.

“Sabi sa akin sa Batangas ang dami nga nilang itlog, hindi mabili kaya ginawa nilang powder egg. Tapos ngayon sasabihin may shortage. Sabi nila avian flu daw, sabi ng party-list sa Batangas hindi daw, hindi naman daw masyadong naapektuhan sila kasi sobra-sobra sa production,” ani Villar.

Hinala ng senador na gawa-gawa lang ito para tumaas ang presyo ng itlog.

“Baka nagba-bad publicity sila para magmahal ang itlog. ‘Wag tayong maniniwala kasi baka may reason, ‘di ba, bakit nila ginagawa ‘yon?” dagdag pa ni Villar sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag sa ‘Kapihan sa Manila Bay’ forum nitong Miyerkoles. (Riz Dominguez/Gel Manalo)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on