Nakatutuwa ang naging panayam ng King of Talk na si Boy Abunda sa Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.
Sa nasabing interview, inamin ni Marian na nagalit siya noon sa mister dahil lamang sa prepaid SIM.
Nangyari raw ang insidenteng iyon noong 2008 kung saan nagso-shoot sila ng fantaseryeng “Dyesebel” bilang magkapareha sa isang isla sa Palawan.
Ito rin daw iyong mga pagkakataong nagpapahaging o nagpaparamdam na si Dingdong sa kanya ng intensyon nitong ligawan siya.
Aniya, naimbudo raw talaga siya sa kabiyak nang tawagin siya nitong ‘suplada’ noon dahil hindi niya sinasagot ang text ng screen partner.
“Nagalit talaga ako kasi ‘yung totoo, naka-prepaid ako. E, nasa isla kami sa Palawan, so bumili ako ng maraming cards,” pagbabalik-tanaw niya.
“Kapag wala na akong card, pumupunta ako sa dulo, nagkakaskas ako para mag-load. Kaya nu’ng sinabi niya na ‘Siguro, naka-prepaid ka…’ kasi totoo na naka-prepaid ako,” dugtong niya.
Dahil hindi pa naman sila magdyowa noon, ipinangako raw niya sa sarili na kukuha ng postpaid plan kapag natanggap na niya ang kanyang suweldo.
“Kaya sabi ko, kapag sumuweldo ako, after nito, magla-line na ako, kaya naka-line na ako noon after,” paliwanag niya.
Kinaaliwan naman ng netizens ang pa-trivia ni Marian na naikumpisal niya sa Kapuso talk show host.