WebClick Tracer

NEWS

PH kontrolado na COVID pandemya – DOH

Itinuring ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na “manageable” o kontrolado na ang COVID-19 sa bansa dahil na rin sa mababang bilang ng mga dinadala sa ospital at namamatay sa coronavirus.

Bunga aniya ito ng kombinasyon ng natural immunity at mga pagbabakuna laban sa COVID-19.

“Alam natin nung nag-uumpisa ang Omicron variant dito sa ating bansa maraming nagkasakit, maraming nagkaroon nitong natural immunity, although experts would see hindi ito magiging pare-pareho sa bawat tao, hindi ito sinasabi na magla-last rin ito ng ganun katagal, pero experts and evidences are now showing that the combination of natural immunity and immunity coming from vaccines is now protecting the world,” sabi ni Vergeire sa ginanap na media forum sa Pasay City nitong Miyerkoles.

Bagama’t hindi inaalis ng DOH ang pangamba dahil sa may mga namamatay pa rin sa COVID-19, sinabi ni Vergeire na kumpiyansa sila na matutugunan nila ang anumang banta ng pandemya.

Aniya, mas nakahanda na ngayon ang mga ospital kumpara noong nagsimula pa lamang ang pandemya dalawang taon na ang nakaraan.

Pero binigyang-diin ni Vergeire na hindi dapat magpabaya ang mga tao.

“Of course, this does not mean that we become complacent, kailangan tuloy-tuloy pa rin `yung ating vigilance, saka lagi tayong cautious, para hindi tayo babalik dun sa dati nating estado kung saan tumataas ang mga kaso tumataas ang mga naa-admit,” ani Vergeire.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on