WebClick Tracer

METRO

San Francisco High School sa QC binulabog ng `bomba’

Nabulabog ang mga guro at estudyante ng isang high school sa Bago Bantay, Quezon City nang makatanggap ng bomb threat at may natagpuan pang abandonadong bag sa hagdan ng paaralan nitong Miyerkoles ng hapon.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Station 15, napilitan ang pamunuan ng San Francisco High School na pauwiin ang kanilang mga guro at estudyante dahil sa natanggap na bomb threat at sa nakitang abandonadong bag dakong ala-una ng hapon.

Ayon kay Gng. Cristina Palma David, assistant principal ng paaralan, nakatanggap siya ng chat message sa kanyang messenger mula sa isang John Keven Mangahas, na nagsasabing “May mga teroristang nakapasok sa school nyo, at maglagay sila ng mga bomba sa mga building. Paalisin nyo na lahat ang mga estudyante bago pa yan sumabog. Madami mamamatay na kabataan.”

Kasabay nito, nadiskubre naman ng gurong si Liezel Sese ang isang abandonadong bag malapit sa hagdan sa ikatlong palapag ng Senior High School Building.

Agad namang ininspeksyon ng mga awtoridad ang bag na iniwan sa loob ng paaralan gayundin ang paligid nito, pero ayon kay Capt. David Gundayaong ng District Explosives and Ordnance Division, wala silang nakitang bomba.

Kamakailan lang ay sinuspinde ang klase sa New Era Elementary School dahil din sa natanggap na bomb threat. (Dolly Cabreza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on