IPAGPAPATULOY ni 2020+1 Tokyo Olympian Ernest John “EJ” Obinea Obiena ang kanyang kampanya sa indoor season Sabado ng umaga (gabi sa Maynila) sa Golden Perche En Or sa Roubaix, France.
Si Obiena ang lumabas na paboritong magwagi sa titulo mula sa 12 katunggali bunga ng hawak na pinakamahusay na naitala nitong rekord sa indoor na 5.91 metro.
Gayunman, hindi kampante ang 23-anyos na Pinoy pole vaulter dahil malaking banta sa kanya ang French na si Valentine Lavillenie, na may personal best na 5.85 metro.
Huling nagawa ng World no. 3 na si Obiena na maibulsa ang pilak na medalya sa International Springer Meet sa Germany noong Huwebes matapos tumalon ng 5.77.
Tinangka ni Obiena na malampasan ang 5.82 subalit nabigo ito upang ibigay ang gintong medalya kay Sam Kendricks ng Estados Unidos.
Naabot nito ang 5.77m sa unang tangka lamang ngunit nahirapan sa sumunod na bar at tatlong beses nabigo sa paghangad na malampasan ang sukat na 5.82m na siyang itinala at pampanalong taas para kay Kendricks.
Matatandaang itinala ni Obiena ang bagong national record sa kanyang silver medal finish noong 2022 Perche Elite Tour sa France. (LIto Oredo)