Mayroong inaasahang taas-presyo umano sa liquefied petroleum gas o LPG sa susunod na linggo na papalo sa P8.
Sa tantiya ng mga impormante sa oil industry, humigit kumulang sa P8 ang maaaring dagdag kada kilo sa presyo ng LPG na katumbas ng P88 dagdag sa 11 kilong tangke.
Samantala, bukod sa LPG, inaasahan din umano ang taas-presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa pagtaya naman ng Department of Energy, hindi hihigit sa P1 kada litro ang posibleng dagdag sa diesel habang mahigit P1 naman sa gasolina at kerosene.
Ayon kay Assistant Director Rodela Romero ng Oil Industry Management Bureau ng DoE, dahil ito sa pagbubukas ng ekonomiya ng China na pangalawa sa pinakamalaking kumukonsumo ng petrolyo sa mundo. (Betchai Julian)