Maaaring bagsak umano sa panlasa ng International Criminal Court (ICC) ang judicial system ng bansa kung kaya’t pursigido itong ituloy ang imbestigasyon kaugnay sa giyera kontra droga ng administrasyon ng dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y ayon kay Senate Minority Leader Aquilino `Koko’ Pimentel III na naniniwalang dapat hayaan ng pamahalaan na ituloy ng ICC ang imbestigasyon nito.
Paliwanag si Pimentel na bilang isang responsableng miyembro ng `community of nation’ kailangang seryosohin umano ng Pilipinas kung may puna, at tingnan at pag-aralan ito para maaksyunan.
Sinabi ng senador na bagama’t gumagana ang judicial system ng bansa ngunit maaaring nakita umano ng ICC na hindi ito epektibo at mabisa dahil na rin sa nakitang taon-taong inaabot ng mga kaso bago maresolba o minsan pa walang report.
“Dito sa atin iimbestigahan pero taon na lumilipas wala pang report, nagdududa na siguro sila anong klaseng system meron sa `Pinas. `Yung word na functioning subjective `yun,” paglilinaw ni Pimentel.
Dahil dito, dagdag ni Pimentel, mayroon man ICC o wala, mahalagang tutukan ng Pilipinas ang judicial system dahil hindi aasenso ang isang bansa kapag mabagal ang husgado at pabago-bago ang mga desisyon. (Eralyn Prado)