Binawi ng Philippine National Police (PNP) ang firearms license ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. dahil peken umano ang ilang dokumentong isinumite nito sa kanyang aplikasyon.
Dahil dito, kinumpiska ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) ang 12 baril na nakarehistro sa pangalan ni Teves.
Parang may kakaiba tayong naaamoy. Parang may hindi angkop sa sitwasyon.
Si Teves ay matagal nang kongresista at hindi kami naniniwalang magsusumite ito ng peke, huwad o “spurious” na dokumento. Puwede pa sigurong kulang sa dokumento. Pero iyong termino kasing ‘spurious’ ay nagpapakitang sinadya mong pekein ang dokumento. Gagawin ba naman ito ni Congressman Teves.
Bukod dito, agad ipinalabas sa media ang nangyari. Para tuloy pinag-initan talaga si Teves at kailangan pang ipagladlaran na nabawian ito ng lisensya sa baril at nakumpiska ang kanyang mga baril.
Ang pagsusumite ng mga kulang-kulang na dokumento ay nangyayari naman kahit kanino. Minsan ay hindi talaga sinadya.
Sa dami ng mga nag-apply ng lisensya ng baril na hindi naaprubahan sa iba’t ibang kadahilanan, bakit parang bukod tanging si Teves lang ang ibinalandrang nakagawa ng ganito? Si Teves lang ba ang politiko na nagkaroon ng ganitong isyu? Paano ang ibang politiko at kahit ordinaryong nagmamay-ari ng baril na hindi naka renew or mayroon ding kulang o may maling sinumiteng dokumento?
Hmmmm, may mas malalim pa bang dahilan ang PNP kung sinolo nila si Teves? May isa bang taong sadyang nagbigay ng kanyang kumpas para pag-initan ang kongresista?
Kung meron, ano kaya ang hanash ng taong nasa likod ng pag-iinit ng tumbong ng PNP kay Teves?
Sana naman ay mali ang ating naririnig ng mga bulung-bulungan na sadyang tinatarget ng isang mataas na opisyal ng gobyerno itong si Cong. Teves. Mali kasi na gamiting armas ng opisyal na ito ang ating kapulisan.
Hirap na nga ang PNP na linisin ang kanilang hanay dahil sa dami ng naglalabasang bulok na kamatis. Eh heto’t madadagdag pa sa mantsa sa kanilang uniporme ang isyung nagagamit sila ng kung sinong Herodes para sa personal na vendetta kay Teves.
Kung totoo mang may opisyal na mainit kay Teves, huwag na niyang kasangkapanin ang kapulisan. Wag naman ang PNP!