NAPAKASIMPLE lang ng pormula ni multi-titled runner/running coach Nhea Ann Barcena sa nakalipas na taon.
Sa likod ng pitong tagumpay, ang kasabihang ‘kung may sipag at tiyaga, may nilaga’ ang sinangkalan niya.
“Sipag at tiyaga lang sa training. Kahit maraming hadlang, ‘di dapat maging sagabal iyon. Gawin lang natin ang dapat para maabot mo ang gusto,” sey ng 41 taog-gulang na dalagang kawani ng Alveo Land Corporation sa Abante TONITE Sports.
Aktuwal na tinuloy rin ng tubong Panukulan, Quezon pero residente ng BGC, Taguig ang nakagawian na niya bago pa mag-lockdown noong Marso 2020 hanggang sa nakaraang taon, nang magluwag na sa health protocol dahil sa COVID-19.
“Naging mahirap talaga para sa mga runner ang pandemic. Sa parte ko tinuloy ko lang dati nang ginagawa, nakasanayan. Level up pa nga. Dumating na tumatakbo at nagba-bike ako na naka-face shield. Naka-Face mask din pero nung magluwag na last year okay na uli kami,” sey pa ng three-time World-Marathon Majors veteran – 2022 London, 2021 Boston at 2019 Berlin.
Kabilang sa mga pinamayagpagan ni Coach Nhea Ann ng PriveCoachingPH nitong 2022:
Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) National Athletics Championships 5,000-meter run sa clocking na 19:25.23 noong Apr. 29 sa PhilSports Complex sa Pasig, half-marathon ng Rock ‘N Roll Manila Run (1:27:36) noong June 19; 21K The Green Run sa Vermosa, Imus (1:27:00) noong July 3;
Alveo 5150 Relay nu’ng Oct. 23, 1,500-meter at 3,000m runs ng Philippine International Athletics Championships sa PhilSports noong Nov. 11, at sa Ortigas 16K Run sa Pasig noong Nov. 20.
Sumegunda naman siya sa 5,000m (19:46) ng Patafa SEA Games Performance Trials sa PhilSports noong Mar. 25, sa CDC 21K noong Nov. 20, RunRio Trilogy noong Dec. 4 at sa 21K ng Ho Chi Minh International Marathon nu’ng Dec. 5 sa Vietnam.
At tumersera pa si Barcena sa Clark Duathlon (10K Run, 40K Bike, 5K Run) noong Apr. 4 sa oras na 2:25:52, at finisher sa London Marathon sa England noong Oct. 3. (Ramil Cruz)