Sa wakas ay kinumpirma na ni Dina Bonnevie na si Alex Gonzaga nga ang tinutukoy niya sa isang lumang interview niya na umano’y nag-primadonna sa set.
Ang nasabing panayam ay 4 years ago pa sa isang presscon kung saan ay ikinukuwento niya ang isang co-star na may diva attitude. Walang sinabing name si Miss D. kung sino ‘yun kaya hindi naman gaanong napag-usapan ang issue although marami ang nagsabi na si Alex ang tinutukoy niya since nagkasama sila sa teleseryeng P.S. I Love You sa TV5 noong 2011.
Sa isang podcast ni Alex last December, 2022 ay ikinuwento niya na may isang matandang artista ang sinigaw-sigawan siya from head to foot sa taping dahil sa pagiging late. Wala rin siyang pangalang tinukoy pero siyempre, ang hula ng lahat ay si Miss D. ito.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” na inere kahapon, Martes ay si Dina ang guest and finally, to set the record straight at para magkaroon na ng tuldok ang issue, inamin niyang si Alex ang tinutukoy niya noon sa panayam .Ikinuwento ang buong pangyayari.
Pero ipinauna ni Dina na 12 years ago pa nangyari iyon at nilinaw na hindi niya sinagawan si Alex from head to foot tulad ng kwento nito.
“We were doing a teleserye then and it didn’t come naman without reason. I mean, we were working together, kaya lang kasi, it didn’t only happen once. It happened once, twice, thrice,” simula ni Dina.
Hindi lang daw siya ang nainis noon kay Alex sa working habits nito kungdi ang mga iba pang artistang kasama nila tulad nina Gabby Concepcion, Nadine Lustre at Cheska Inigo.
Kinausap daw niya nang maayos si Alex at hindi niya sinigaw-sigawan.
“If you want to stay long in this business, you cannot last kung ganyan ang attitude mo na palagi kang late, dito ka pa maliligo sa set, and you know, you cannot even memorize your lines, hindi ka makaiyak,” ang kuwento ni Dina na sinabi niya kay Alex.
“And then, nagagalit siya kay Nadine kung nauunang umiyak si Nadine. Eksena niya raw ‘yun,” kuwento pa ni Dina.
That day ay nagtapos daw sila nang maayos at nagkaiyakan pa. And up to now ay hindi naman daw siya galit kay Alex.
Sa mga sinabi ni Alex sa podcast nito last December kung saan nga ay tinawag siyang ‘matanda,’ hindi raw siya na-offend dito.
“Hindi ako na-offend na tinawag akong matanda. It’s true, matanda na ako, I’m 61 but I’d like to see people at 61, if they’re still looking fresh. Sorry Boy, sorry but I feel fresh and I think I look fresh,” aniya.
Sinagot din ni Dina ang sinabi ni Alex sa podcast that she was painted as the ‘bad guy’ at dun daw siya nainis.
“For me, du’n ako nainis kasi, painting you as the bad guy is inventing stories to make you look bad. I wasn’t inventing stories. But that’s past, it’s changed, nagbago naman siya bago matapos ang taping and okay, hindi ako galit sa kanya,” sey ni Dina.