Nakahanda ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipakulong ang mga smuggler para matigil ang pagsasamantala ng mga ito sa ekonomiya ng bansa, ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri.
Sa kanyang press conference sa Senado nitong Martes, sinabi ni Zubiri na nagkausap sila ng pangulo tungkol sa isyu ng smuggling at binanggit din niya rito ang naunang pahayag ni Senador Imee Marcos na nais may makulong na mga smuggler.
“Ang problema kasi, kinausap ko si Presidente about that, sabi ko, `Mr. President, your sister, your ate, is requesting na sana may mahuling smugglers’,” ani Zubiri.
Kasado naman aniya ang pangulo na ipahuli ang mga smuggler pero nais nito na sigurado ang isasampang kaso para wala talagang lusot sa batas.
“Ang sabi niya, kung sa huli, kaya niyang magpahuli, pero ang problema, they want to make sure that maganda `yung case files, or dapat `yan ay may sapat na ebidensya,” wika ng senador.
Wala aniyang saysay kung arestuhin man ang mga smuggler ngunit makalipas lamang ang ilang araw ay makakalaya rin dahil walang sapat na ebidensya laban sa mga ito.
Aminado si Zubiri na dismayado rin siya katulad ni Senador Marcos dahil walang nakukulong sa mga nagmamanipula ng presyo ng mga bilihin sa kabila ng may mga batas nang ipinasa ang mga nakaraang Kongreso para tugunan ang problemang ito.
Samantala, sa isang pahayag kahapon, sinabi ni Senador Marcos na itutuloy nila ang pagdinig hanggang hindi nasasampahan ng kaso at nakulong ang mga smuggler at kasabwat sa mga ahensya ng gobyerno.
Pinasisipot ng senador sa susunod na pagdinig ng Senado si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Yogi Ruiz dahil sa ilang beses na umanong pang-iisnab nito.