Napasok na namang muli ng isang international hacking group mula sa Russia ang livestreaming account ng Radio Veritas.
Sinabi ni Roymark Gutierrez, Social Media Manager ng himpilan, nabigo sila na mabawi ito dahil inalis umano ng hacker ang recovery method.
Nabatid na alas-6:59 ng gabi noong Enero 29 nang pasukin ng grupo ang Veritas 846 Livestream YouTube Channel at ma-access ang email na veritas846newmedia@gmail.com.
“Wala kaming natanggap na login notification, nalaman namin na na-hack nung 12 midnight mass nang hindi na ma-access ang YouTube channel para sa streaming ng misa,” ayon kay Gutierrez.
Sa ginawang assessment ng eksperto, natukoy ang Internet Protocol o IP location sa bansang Russia.
Sanhi nito, pinayuhan ng IT expert ang publiko na maging mapagmatyag sa paggamit ng internet lalo na sa unverified source na mga link.
Unang na-hack ang Facebook page ng Radio Veritas noong Enero 31, 2016 ng isang international group. (Juliet de Loza-Cudia)