WebClick Tracer

OPINION

Parang yucky!

Sa halip na maging maayos ang koleksiyon ng basura sa Paranaque City, mas lalo pa itong lumalala ngayon kahit na nagpalit ang pamahalang panglungsod ng bagong contractor – ang Metrowaste Solid Waste Management Corp.

Nabatid na ang Metrowaste ang siyang pumalit sa dating garbage hauler na Leonel Waste Management Corp. matapos pirmahan ni Mayor Eric Olivarez ang kontrata ng bagong contractor noong December 27, 2022.

Tumataginting na P414 milyon ang halaga ng kontratang ibinigay ng Paranaque City Government sa Metrowaste.

Inakala ng mga residente na magiging maayos ang serbisyo ng Metrowaste subalit nadismaya sila dahil palpak naman ang mga ito. Reklamo ng mga residente, gabundok na ang basurang hindi nakokolekta Metrowaste mula pa noong nagdaang buwan.

Dahil walang patid ang reklamo at sumbong ng mga residente, nagsagawa ang konseho ng lungosd ng public hearing para talakayin ang kailang mga hinaing.

Nakumpirma sa nasabing pagdinig ng isang opisyal mula sa city health office na walang mga sanitary permit ang mga palero o garbage hauler ng Metrowaste.

Maliban diyan, hindi rin daw nakauniporme, walang hand gloves at lalong hindin nakasuot ng kahit anong personal protective equipment o PPE. Karamihan daw na bagong palero ay hindi taga-Paranaque kundi mga taga lungsod ng Pasig, Cavite at Batangas na kamag-anak ng isang mataas na opisyal ng lungsod.

May ilang residente sa mga subdivision ang nagsumbong na kumakatok sa kanilang mga pintuan ang mga palero ng Metrowaste para manghingi ng tip sa tuwing maghahakot sila ng basura.

Ang dahilan daw ng panghihingi ng tip ay dahil hindi pa natatanggap ng mga palero ang kanilang suweldo sa kanilang employer – ang Metrowaste. Pero sinasabi naman ng Metrowaste na above minimum ang suweldo o lagpas sa P600 ang tinatanggap nila kada biyahe ng garbage truck.

Subalit napag-alamang P4,000 lang ang natanggap na sahod ng mga palero nitong kinses ng Enero. Ibig sabihin P140 lang kada araw ang kanilang suweldo, malayo sa sinasabing nilang above minimum na suweldo sa mga palero.

Kung hindi ibibigay ng Metrowaste ang tamang pasahod sa kanilang mga personnel, aba’y tatamaring maghakot ng basura ang mga yan. Kung mangyari yan, aba’y magiging Paran-Yucky na ang lungsod at hindi na Bagong Paranaque.

Bukas po ang kolum na ito para sa komento ng pamumunan ng Metrowaste.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on