WebClick Tracer

LIFESTYLE

Tapat ka ba sa toma?

Nakapanginginig sa ginaw ang panahon sa Sagada, Mountain Province. Katunayan, bumaba nang halos 12 degrees Celsius ang temperatura noong naroon kami ng mga kaibigan ko nitong isang linggo.

Kapag cold weather, ano ba ang patok na inumin? Siyempre, alak na pampainit ng katawan.

Sa isang bahagi sa town proper ng Sagada, masusubok ang pagiging tapat mo dahil ang alak – mistulang ‘drink all you can’ dahil nakatiwangwang lang sa barrel sa isang kanto roon.

Pero huwag magpadala sa tukso – dahil ang kada shot ng wine, may bayad! Ito ang Honesty Wine Bar ng Pamilya Dailay na tinawag nilang Piitik.

Ayon sa anak ng may-ari na si Marvin Dailay, ‘Piitik’ ang ipinangalan nilang brand sa kanilang wine products dahil ang ibig sabihin nito sa kanilang lengguahe’y pantaboy sa bad omen.

Pero hindi naman daw laging anti-malas lang ang target ng kanilang wine. Puwede rin daw itong pang-congratulatory gift. Marami raw kasing kahulugan ang Piitik sa kanilang lugar. ‘It is very deep and broad’, dagdag ni Marvin.

Ginawa raw nilang honesty store ang peg ng kanilang wine bar dahil mas pumapasok ang mga parokyano sa tindahan kapag walang bantay.

Nang tanungin kung naisahan na ba sila ng mga mahihilig tumoma pero hindi nagbabayad, ‘So far, wala pa naman although hindi pa rin tayo 100% sure na wala talaga. Kung meron man, hindi naman grabe.’

Nakapuwesto sa isang lamesita ang dalawang barrel na puno ng wine. Kada shot, may bayad. P20 kung half shot at P40 naman kung shot puno.

Sa loob ng kanto naman nakapuwesto ang mismong wine bar kung saan sila nagbebenta ng bote-boteng alak. May pitong flavor pero ang tatlong ito ang best-sellers – Blueberry, Bugnay at Persimmon.

Dahil homemade ang mga wine, pinili raw nila ang mga prutas na ito para readily available at locally produced sa kanilang probinsiya. Imbes masira at mabulok, nagagamit pa raw nila ang mga prutas na ito sa ibang paraan gaya ng wine para mapagkakitaan.

I must say, masarap ang tatlong flavors na natikman ko! Tamang-tama ang timpla – swabe ang tamis na may kaunting asim. Swak na swak sa malamig na panahon sa Sagada.

Sa ngayon, wala pa raw silang planong i-market ito nationwide. Pero umaasa silang makikilala ng mga tao ang Piitik wine, hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on