Sino raw itong politiko ang biglang tumanda sa bagong poster na ginagamit nito sa kanyang distrito?
Dati raw kasi, mukhang college student lamang ang mukha ng politiko sa mga pinapaskil nitong campaign poster at mga aktibidad sa kanyang lugar.
Mistulang may gatas pa raw sa labi ang picture ng politiko, ‘yun bang imahen na hindi gagawa ng kabulastugan sa serbisyo publiko.
Ito raw ang ginamit niyang picture sa mga poster noong siya ay konsehal pa lamang pati na sa kanyang mga reeleksyon.
Pero nang tumakbo itong kongresista, parehong picture pa rin ang ginamit niya sa mga tarpaulin kaya naman nanalo sa unang pagtakbo hanggang sa reeleksyon.
Higit sampung taon daw na ginamit ng politiko ang kanyang ‘Neneng’ picture kaya maraming Marites ang pumuna sa hindi nagbabagong hitsura ng politiko.
Mukhang tinamaan naman daw ang politiko sa mga basher matapos na baguhin nito ang picture sa kanyang tarpaulin.
Ito raw siguro ang dahilan kaya natalo siya sa nakaraang halalan dahil mukhang ‘Tokneneng’ na siya sa katandaan sa bagong poster.
Clue. Ang politiko ay abogado at ang initials ng pangalan ay katulad ng isang sakit.