So eto na nga nagmumura na ang sibuyas nakakakita na rin tayo ng mga malalaking uri nito na halos umabot na ang sukat sa bola ng tennis kaya tuloy na uli ang ligaya ng mga magsisisig, bistek Batangas, kinilaw at sa mga medyo sosyal ay onion rings.
Resulta ito ng muling pagluluwag ng gobyerno sa pagpasok ng mga inangkat na katulad na produkto sa hangarin daw na matapatan ang mataas na pangangailangan ng mga Pinoy.
Pero sa kabilang panig, kailangan naman nating aminin na ang nasolusyunan lamang ay ang kawalan ng suplay nito sa merkado at ang paghahangad na mga mahihilig magrekado na muling palalimin ang lasa ng kanilang mga putahe.
Kasabay ng kanilang pagdiriwang, ang mga magsasaka naman ay balik sa pangangalumbaba at malalim na pag-iisip kasabay ng pagtatanong sa sarili kung kailan isasara ng gobyerno ang pagbukas sa gripo ng importasyon upang muling sumigla ang kanilang kitaan.
Kamakailan lamang ay sinubukan ng Senado na alamin ang puno’t dulo ng pagsirit ng presyo ng sibuyas sa mga pamilihan sa bansa pero ang atensiyon ng mga senador ay tila sa aspeto lamang ng mga lokal na magsasaka at mga lokal na negosyante napunta.
Noong hindi pa pinanghihimasukan ng Senado ang naturang bagay, ang bukambibig ng mga tao ay ang sinasabing pagmamanipula ng mga smugglers ng naturang kalakal pero noong ito ay nasa hapag na ng institusyon, lokal na awayan na ang naging anggulo.
Di nga ba’t nasentro pa sa murang halaga ng pagkakabili ng sibuyas mula sa ilang magsasaka nito sa Occidental Mindoro at ang ga-bundok na presyo naman nito pagdating sa mga pamilihan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kaya nga tanong ng mga nagmamatyag sa pangyayari ay ano na ang nangyaring sa anggulong manipulasyon ng mga importer o mga smugglers.
Kung ang naturang situwasyong pagbabatayan, hindi imposibleng may pumihit sa situwasyon upang matuon ang atensiyon sa problemang lokal para ang maisip na solusyon ay ang importasyon ng naturang kalakal.
Ito ay isang indikasyon na ang nabanggit na problema ay artipisyal lamang at kung tutuusin ay kaya namang solusyunan ng matinong patakaran na kinabibilangan ng totohanang pagmonitor sa imbentaryo ng lokal na suplay para mabatid kung kailan tayo kakapusin bago isalang ang importasyon.
Bigla tuloy ako napaisip at binalikan kung kaninong administrasyon naging talamak ang importasyon at smuggling ng mga agricultural products.
Mukhang kailangan talaga uli ng isang Ping Lacson sa Senado.