Kung minsan, sa kagustuhan makakuha ng oportunidad, ay paiikutin natin ang katotohanan. Paano na lang kung trabaho ang pinaguusapan. Mayroon tayong tagasubaybay na napatanong at humingi ng ating opinyon. “Doc, ano po ang mapapayo ninyo? Ako ay 35 taong gulang, naaksidente dahil sa motor nung pandemya. Nagagaw buhay at sa kasawiang palad ay kinailangang maputulan ng paa. Maayos ang pagkaopera sa akin, malaking pasalamat ko sa aking doktor. Nakabitan ako ng prosthesis at sa tulong ng mga physical therapists at sa aking pagpursige ay nakalakad akong muli. Nakabalik ako sa dating kilos at galaw. napakahirap sa umpisa at gustong sumuko ngunit paglipas ng ilang buwan ay nakuha ko nang magtrabaho sa bahay namin muli. Nakakakilos at galaw na parang hindi putol ang aking paa. Nakukuha ko pa ngang umakyat ng hagdanan. Naging mapalad ako at nabigyan ng pagkakataong makaapply ng trabaho sa ibang bansa. May medical check up akong kinakailangang magawa. Ipinagtanong ko kung anong klaseng eksaminasyon ang ginagawa. Hindi naman daw kakailanganing maghubad ng husto. Ang tanong ko po ay dapat ko bang ideklara ang aking tunay na kundisyon o pwedeng huwag ko na lang sabihin. Baka kasi pagnalaman na putol ang paa ko ay hindi na ako tanggapin, eh gustong gusto ko na pong pumasok ng trabaho para makatulong na ako sa pamilya ko. Ano po ang maipapayo ninyo?“
Una sa lahat, sa anumang bagay, ang dapat ay magsabi tayo ng totoo. Kahit alam natin na makakalusot tayo, mabuti na nasa wasto ang ating papeles, pagiisip, at pangkatauhan. Ito din naman ang gusto ng mga employers. Mabuti nang alam ang tunay na kundisyon kaysa sa kahit gaano kaganda ang performance at trabaho sa kumpanya, kung malaman ang totoong kalagayan, hindi ka lang masususpinde, mapapatalsik ka pa sa trabaho dahil sa falsification or none declaration of records.
Kung sa umpisa ay maging hadlang ito, maaaring mayroong rules and regulations ang kumpanya, wala na tayong magagawa dito, lalo na kung ito ay isang pribadong kumpanya. Ngunit, gaya nang nakararami, tumatanggap ang mga ito ng mga empleyado na may kapansanan o persons with disability. Lalo na kung hindi naman makakaapekto sa klase ng trabahong pinapagawa. Sa katunayan ay mas gusto ng mga kumpanya ito dahil mayroong mga incentives na nanggagaling sa kanikanilang pamahalaan sa tuwing tumatanggap sila ng mga empleyadong may kapansanan. Kasama na dito ang mga bonuses at tax incentives.
Kaya huwag nang magtago. Ipagmalaki na kayang lagpasan ang anumang hadlang tulad ng kasalukuyang kapinsanan. At magtiwala sa sariling kakayanin nang makita ng lahat ang tunay mong galing. Maging inspirasyon sa pamilya, sa ibang tao at sa komunidad dahil buhay na buhay ka ngayon at nakayanan ang lahat ng ito kahit may kapansanan.
Hanggang sa susunod ! Stay Healthy! Stay safe! Get vaccinated! Get Boostered!
J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 at IZTV 23, tuwing linggo 11am-12nn at Kapitbahay sa DZEC1062 tuwing huwebes 1pm) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.