Supalpal sa Court of Arbitration on Sports (CAS) ang apela ng Philippine Swimming Incorporated (PSI) na pinapangunahan ni president Lailani Velasco ang para manatiling miyembro ng World Aquatics.
Binasura ng CAS ang kahilingan ng PSI laban sa WA para sa pagpapanatili na mapatupad ang pagkilala ng world body sa PSI bilang national sports association at sa paglikha ng Stabilization Committee (SC) na siyang mangangasiwa na sa swimming sa bansa.
Ang pagbasura ng CAS sa apela ay nakasaad sa isang 16 na pahinang liham na may petsang Huwebes, Pebrero 2, 2023, at nilagdaan ni CAS Appeals Arbtiration Division Deputy President Dr. Elisabeth Steiner ng Austria.
“The request for a stay of execution of the decision rendered by the FINA Bureau on 3 and 15 December 2022 filed by the Philippine Swimming Inc. on 20 December 2022 and supplemented on 12 and 19 January 2023 in the matter CAS/2022/9351 PSI. v. World Aquatics (formerly known as Federacion Internationale de Natation (FINA), is dismissed,” ayon sa dokumento ng CAS.
Sa pagbasura ng apela, pinagtibay ng CAS ang utos ng WA sa pagtatag ng Stabilization Committee na binubuo nina Atty. Wharton Chan, Valeriano ‘Bones’ Floro III at Arrey Perez – upang hawakan ang mga usapin na dapat sana ay sa PSI bilang pambansang pederasyon ng sport.
“This reaffirms the world swimming body’s order for us in the Stabilization Committee to continue with our task, which, among others, include handling the day-to-day affairs of the swimming NSA, draft its new by-laws and recommend for the holding of elections of its board of trustees,” bulalas ni Chan.
Sa 32nd Southeast Asian Games na wala pang tatlong buwan, sinabi ni Chan na ang pagsasagawa ng mga pagsubok para sa mga miyembro ng swimming team sa Cambodia ang mangunguna rin sa kanilang mga prayoridad.
Nauna nang inihayag ng Stabilization Committee ang pagdaraos ng open tryouts para sa mga pambansang koponan sa swimming, diving at water polo sa Pebrero 18-19 sa New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac.
Ang PSI, sa pamamagitan ng legal na tagapayo na Poblador, Bautista at Reyes Law Office, ang naghain ng kahilingan sa CAS laban sa WA para sa pagkaantala sa pagpapatupad ng tagubilin ng internasyonal na pederasyon sa paglikha ng SC at ang pag-alis ng pagkilala sa board of trustees ng NSA at bilang miyembro ng FINA.
Inulit ng mga abogado ng PSI ang kahilingan ng presidente ng asosasyon na si Velasco na dapat ay ipaalam sa kanila ang kalikasan at sanhi ng mga reklamo na nag-udyok sa FINA Bureau na bawiin ang pagkilala nito sa grupo. (Lito Oredo)