WebClick Tracer

NEWS

J&T Express binoldyak sa soli-package

Inireklamo ng artistang negosyante na si Benj Manalo ang dami ng mga package na return to sender (RTS) sa kanya ng J&T Express na ikinalulugi ng mga katulad niyang entrepreneur.

Sa post niya sa social media, tinanong ni Manalo kung diskarte ba talaga ng J&T Express na hindi mag-deliver ng mga package at isasauli na lamang ang mga ito sa seller nang hindi tinatawagan ang buyers para kumita.

“Ayan na nga, so totoo ang mga balita mga suki. Grabe. Ano na J&T? Ano na itong mga RTS n’yo. Ito na ba ang mga hindi n’yo dinideliber tapos para lang kumita kayo,” tanong ni Manalo sa kanyang post.

Reklamo niya, nagbabayad siya ng mga tao para mag-impake ng mga ipapa-deliver. Sayang lang aniya ang kanilang pagod at ang kanyang bayad kung ibabalik lang sa kanya ng J&T ang mga package.

Nanawagan siya sa J&T na kumilos at ayusin ang problema.

“Kasi, kung katamaran ito ng mga rider n`yo ito, pagkatapos ilalagay nilang return to sender, `pag kinausap naming customer hindi naman sila kino-contact ng rider, sasabihin return to sender. Tapos magbabayad kami ng shipping fee sa inyo. Kayo lang ang kumita! Paano naman kami dito,” sabi ni Manalo.

Nag-viral ang post ni Manalo noong Sabado at umabot na sa 24,000 views.

Komento ni Marian T. Baterbonia sa kanyang post: “Sobrang dami ko din po RTS.”

“Legit gawain din ng j&t yan dito samen,” sabi ni Abi De Chavez Ilagan.

“Totoo po yan…ganyan sila palagi…” reaksyon ni Krine P. Umali.

“Saklap po nyan nasabihan ako ng seller na scammer pa…Hay j&t ayusin nyo naman,” ayon kay sabi ni Crystall Ann Castro Mina.

“Legit yan ginagawa nila ‘buyer unreachable.’ Nakakainis lang, ako tong buyer na sabik kakakahintay sa item tas walang dumating,” sabi naman ni Ace Mrls.

Hindi nagbigay ng pahayag ang J&T sa isyu nang pinadalhan ng private message ng Abante Tonite.

Sa Facebook page ng J&T sa Facebook, may nakapost pa na reklamo ng buyer na picture ng parcel ng J&T na basura ang laman. (Eileen Mencias)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on