INARESTO ang driver ng isang Ford Ranger at kasama nito nang mamataan na bumibiyahe na kulang ang gulong nito sa Imus City, Cavite Linggo ng umaga.
Kinilala ang driver ng pickup na may plakang ABD 6320 na si Zarwin Hernandez, at kasama na si Jaza Hanwar Almarez, kapwa nasa wastong edad at taga-Brgy. Malagasang 2A, Imus City Cavite.
Sa ulat ni PSSgt Joselle Hernandez ng Imus City Police, alas-10:45 kamakalawa ng umaga nang namataan ng mga awtoridad ang minamanehong sasakyan ni Hernandez sa Anabu Coastal Road sakop ng Malagasang 2A, Imus City Cavite na walang isang gulong sa kaliwang likurang bahagi ng sasakyan.
Sa video footage na kumalat sa Facebook ng isang uploader, mula sa binabagtas na lane ng driver, lumipat ito sa kabilang lane at sinalubong ang mga sasakyan na ikinabahala ng ilang motorista.
Ayon pulisya, galing umano ang driver ng pickup sa Baclaran at sinundo ang live-in partner pa-Imus pero pagsapit sa service road sa Parañaque ay pinaulanan umano ng bala ang ford kaya pinaharurot hanggang sa Imus City kung saan namataan ng mga mga awtoridad na umaandar na kulang ang gulong nito.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso. (Gene Adsuara)