Arestado ng mga Barangay Tanod ang isang miyembro ng Sputnik gang nang tangkain nitong tangayin ang isang naka-padlock na bike kamakalawa ng madaling araw sa Sta. Mesa, Maynila.
Itinurn-over sa Manila Police District-Police Station 8 ng mga umarestong Barangay Tanod, ang suspek na si Shondell Ongkingco y Noblesa, 40, residente ng No. 40, Altura St., Sampaloc, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PCpl Jenard Ver DC Aviles, ng MPD -PS 8, alas-4:17 ng madaling araw nang tangkain ng suspek na sirain ang padlock sa bisekleta ni Maria Carmen Nove y Jordas, 26, call center agent at taga-Brgy. 627, Sta. Mesa, Maynila na nakaparada sa harap ng bahay ng biktima.
Tiyempong nagsasagawa umano ng foot patrol ang mga barangay tanod ng Barangay 627, Sta. Mesa na pinamumunuan ni Manuel Canlas y Noga kasama si Ryan Junsay at mamataan ang suspek na sinira ang padlock sa kadenang nakalagay sa bisekleta kaya agad na inaresto.
Narekober sa suspek ang Mountain Bike (Asbike Brand) na naglakahalagang P15,000.00, Long Nose tools (Stanley Brand), at isang Bicycle Chain Lock.
Nahaharap ngayon sa kasong theft ang suspek sa Manila Prosecutors Office. (Juliet de Loza-Cudia)