WebClick Tracer

LIFESTYLE

Bakbakin, bakbakan ang mga sumisira sa Sibuyan

Mukhang aakyat sa Senado at sa Commission on Appointments (CA) ang balitaktakan ng nagbabanggaang grupo sa Sibuyan bunga ng pagkakalantad ng pagkasira ng malaki-laki na ring bahagi ng naturang isla dahil sa pagmimina doon.

Ang Sibuyan ay bahagi ng lalawigan ng Romblon na ngayon ay unti-unti na ring dinadayo ng mga turista dahil sa mga natural na pasyalan at tanawin.

Pero sa kasalukuyan, ibang klaseng kasiraan na daw ang idinulot ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) sa lugar dahil ayon sa Alyansa Tigil-Mina na nakatutok sa lugar, apat na batas na ang nilalabag ng mga aktibidades nito.

Kabilang daw sa mga nalabag ay ang Water Code ng bansa, Foreshore lease agreement, Environmental Compliance Certificate at pagpuputol ng mga punong kahoy na walang kaukulang permit.

Ang mga ito ay naipaalam na sa mga mambabatas at kumilos na ang Senado sa pamamagitan ng Senador Risa Hontiveros na malaman ang puno’t dulo ng mga pangyayari.

Ito ay sa harap ng katotohanang kasama niya sa institusyon sa ilalim ng kasalukuyang Kongreso si Senador Sherwin Gatchalian na kapatid ni Kenneth Gatchalian na sinasabing may malalim na kaugnayan sa nabanggit na mining company.
Wala pang kumpirmasyon o pagtanggi ang pamilya Gatchalian sa impormasyon na ito pero para sa delikadesa dapat sigurong mag-inhibit ang mambabatas kapag ang kapulungan ay nag-umpisa nang mag-usisa sa naturang usapin.

Sa panig naman ni resigned Valenzuela Congressman na naging Department Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, nagsalita ito na titingnan niya ang naturang pangyayari.

Kaya nga marami ang napaisip matapos ito dahil bakit nga naman daw magsasalita ang kalihim kung walang apektadong interes sa kanilang poder ng pangyayaring ito.

Kaya siguradong pagsalang niya sa Commission on Appointments, masasama ang usapin na ito sa uungkatin sa kanya lalo pa nga’t miyembro rin ng komisyon si Hontiveros.

Sa pagdinig ng Senado, dapat din sigurong bigyan ng sapat na pagkakataon ang mga mismong residente ng Sibuyan na maikuwento nila ng personal ang mga pinaggagawa ng kumpanyang ito bago pagbigyan ang paliwanag ng naturang mining company.

Ang lalawigan ng Romblon, kabilang ang isla ng Sibuyan ay kabilang sa mga bahagi ng Pilipinas na tukoy na maalaga sa kalikasan dahil nga hindi talaga pumapayag ang mga mamamayan nito na masalanta ng pagmimina ang kanilang kapaligiran.

Kung lalabas na may paglabag ang Atlai, kanselahin na ang permiso nito at ikulong ang lahat ng mga nagsabwatan para tibagin ang kabundukan ng Sibuyan.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on