Pet lover ka ba? ‘Yung tipong gustung-gustong kinakarga ang alagang aso at pusa. Ang iba nga, kapantay ng pag-aaruga at pagmamahal sa tao ang pagtingin sa kanilang mga alaga.
Tama naman, may buhay ‘yan kaya dapat alagaan at mahalin.
Dito sa Tanza, Cavite, may community pantry pet edition ang kaibigan kong si Maybelle Digo. Tinawag niya itong ‘Community PAWntry’, kung saan naglalagay sila ng food bowl at water sa labas ng kanilang ‘South Tails Pet Station’ sa Barangay Amaya para makakain ang stray dogs at cats sa kanilang lugar.
Sa ganitong paraan, naipapakita ni Maybelle ang kanyang love and concern para sa mga aso at pusa. Mula pagkabata, pet lover na raw siya kaya Veterinary Medicine ang kinuha niyang kurso sa kolehiyo.
Naniniwala siya na ‘Man’s best friend’ pa rin ang aso. Ayon kay Maybelle, “Ngayon ginagastusan na talaga ang mga pet tulad ng grooming. Lalo ngayong pandemic, mas may time ang mga tao for their pets. Mas tumaas ang demand sa supplies and services like grooming”.
Ang kanyang ‘South Tails Pet Station’, nag-aalok ng iba’t ibang serbisyo para sa inyong mga alaga. May full grooming, boarding, food and supplies. Pati nga kape at snacks para sa mga pet lover na naghihintay sa kanilang mga alaga, mayroon din sa kanilang shop.
Kuwento ni Maybelle, “I conceptualized my shop based on how I want my dog to be treated kapag ginu-groom sila. Kaya ang design ng shop, kita ang grooming area.”
Sigurado ring komportable ang mga maghihintay kaya may ‘waiting area’ sa loob ng pet shop. Dahil may coffee and snacks na available, tinitiyak din daw ni Maybelle na hindi mag-aamoy pet ang loob ng shop pagpasok ng kliyente.
Hindi matatawaran ang pagmamahal ni Maybelle sa mga aso at pusa. Katunayan, namumulot daw siya ng mga naliligaw na pet at sinisikap na maibalik sa may-ari. Kaya ang kanyang mantra, “Adopt. Don’t shop. Be a responsible pet owner”.