Sa isang panayam sa LoiNie, sinabi ng dating Hashtags member na si Ronnie Alonte na ilang beses niyang niloko ang kanyang love team partner na si Loisa Andalio.
Dahil nasa showbiz at lapitin ng mga babae, hindi naman niya ikinaila na maraming beses din siyang naging unfaithful sa kanyang dyowa.
Katunayan, ito raw ang naging dahilan kaya nagkahiwalay sila ni Loisa.
Itinago raw kasi niya sa kanyang mga naging katrabaho at maging sa mga babaeng nakasama niya na may relasyon na sila noon ng aktres.
Pero sa bandang huli, napagtanto raw niya ang laki ng kanyang pagkakamali.
Na-realize rin daw niya kung gaano niya kamahal si Loisa.
Nagpapasalamat din daw siya na kahit ilang beses niyang ‘niloko’ito ay pinatawad pa siya nito.
“Nung nangyari ‘yun, sobrang sakit pala nu’ng feeling na ganun. Parang mga halos isang linggo, dalawang linggo, nawala ako talaga,”aniya. “Narealize ko din sa dulo na baka karma lang din. Tinake ko ‘yun as karma kasi parang ang dami kong kasalanan sa kanya before pa mangyari ‘yun. Ang dami niyang nahuli sa akin. Ilang babae nga ba nahuli mo? “Alam niya, nahuli niya ‘ko, so naramdaman ko ‘yung feeling kung gaano kasakit yung ganung pakiramdam.”
“Sa totoo lang, aaminin ko, mali ako. Kasi ‘yung mga nakatrabaho ko dati at ‘yung mga nakasama ko dati, hindi ko nilinaw sa kanila at hindi ko sinabi sa kanila na kami ni Loisa. Tinago ko rin ‘yun sa mga naging ka-partner ko. Kasalanan ko yun,” ani Ronnie.
Gayunpaman, malaki na raw ang ipinagbago niya ngayon dahil good boy na siya at loyal kay Loisa.
Katunayan, nakikita raw niya na ang girlfriend at business partner na ang babaeng gusto niyang makapiling habangbuhay.
Hirit pa niya, marami rin daw siyang ipinagpapasalamat kay Loisa dahil ito raw ang nagsilbing mentor niya sa maraming bagay tulad na lamang ng tamang paghawak ng pananalapi.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon ay nagdiwang ang showbiz couple ng kanilang ika-6 na taong anibersaryo bilang magkasintahan. (Archie Liao)