Binalasa ng Integrated Cycling Federation of the Philippines o PhilCycling ang national team at coaching staff para sa road race sa taunang board meeting nitong Martes sa Manila Hotel.
Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) President, Tagaytay Mayor Abraham ‘Bambol’ Tolentino, na siya ring presidente ng PhilCycling, ang pagbabago ay bunsod sa misyon ng pederasyon na makamedalya sa road events sa Cambodia 32nd Southeast Asian Games sa Mayo 5-17.
Maaaring mag-apply ang mga interesadong coach sa pamamagitan ng federation email philcycling@gmail.com.
Si Philippine Navy-Standard Insurance coach Reinhard Gorantes at dating top women’s rider Marita Lucas ang mga hinirang na interim coach ng national men at women road teams.
Binasbasan ng PhilCycling ang bagong komposisyon ng national road team para sa kalalakihan at kababaihan na binubuo ng mga nagpasiklab sa 2022 National Championships for Road.
Kasama ni Tolentino sa board meeting sina PhilCycling chairman Bert Lina at vice president Oscar ‘Boying’ Rodriguez.
Nanatili naming buo ang national mountain bike at BMX squads. (Lito Oredo)