Naunsiyami ang sponsorship ng Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) bill dahil sa oposisyon mula sa maraming religious group at iba pang sektor.
Sa sesyon nitong Miyerkoles, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na ilang LGBTQI+ group ang nagtanong sa kanya kung bakit hindi pa niya inisponsoran ang committee report na nailabas na noon pang Disyembre 2022.
“Pebrero na po ngayon at tinatanong na po sa akin ng mga miyembro ng LGBTQI+ community kung ano na nga ba ang nangyari sa bill. Bakit daw hindi ko pa ito inisponsor. They want to know what is happening,” sabi ni Hontiveros.
Ayon pa kay Hontiveros, sinabi rin sa kanya ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na 19 na senador ang lumagda sa liham na humihiling na ibalik ang report sa komite dahil marami sa kanila ang gusto pang magsalita.
Nilinaw naman ni Hontiveros na bagama’t wala siyang tutol na ibalik ang report sa komite na kanyang pinamumunuan, marami aniyang evangelical groups ang aktibong nakilahok sa pagdinig at sa technical working group. (Dindo Matining)