WebClick Tracer

NEWS

DA-BPI piniga ng Kamara sa sibuyas supply

Sermon ang inabot kahapon ng kinatawan ng Bureau of Plant Industry (BPI) mula sa mga kongresista dahil sa natuklasang palpak na datos ng ahensya kaugnay sa usapin ng produksyon o supply ng sibuyas sa bansa.

Sa pagdinig ng House committee on agriculture kaugnay sa sinasabing hoarding at manipulasyon sa presyo ng sibuyas na ugat ng napakataas ng presyo nito, kinuwestiyon ni SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta ang BPI kung bakit nagkaroon ng kakulangan ng supply ng sibuyas gayong sa kanilang inilabas na datos ay sinasabing mayroon itong 120 percent sufficiency level.

“Kung mayroong 120 percent sufficiency level, wala tayong shortage sa sibuyas, dahil sobra-sobra at malaki produksyon kaysa sa demand,” giit ni Marcoleta kasabay ng pagsasabing dito na umano napatunayan na tunay na may nangyayaring hoarding ng sibuyas.

Sinigundahan naman ito ni House Majority Leader Mannix Dalipe sa pagsasabing tila hindi nagbibigay ng tamang datos ang BPI, isang ahensya sa ilalim ng Department of Agriculture (DA).

Naniniwala pa si Dalipe na ang pagtaas ng presyo ng sibuyas ay hindi lamang dahil sa smuggling o hoarding, kundi may nagmamanipula ng presyo nito.

Iritado naman si Marikina Rep. Stella Quimbo nang hindi maipaliwanag ng BPI ang sinasabi nitong mayroong 39 percent increase sa demand ng sibuyas.

Duda ni Quimbo na tila `inimbento’ ng BPI ang sinasabing pagtaas sa demand para lamang umano palabasin na may shortage na dahilan na rin ng pagsirit ng presyo nito.

Ngunit pinanindigan naman ng BPI ang kanilang datos na ibinabatay lamang umano nila sa monitoring pagdating sa supply and demand.

Hiniling naman ni Quimbo sa komite na ipatawag kung sino ang gumawa ng datos at paharapin sa susunod na pagdinig. (Eralyn Prado/Billy Begas)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on