Nababahala ang Infrawatch PH sa takbo ng SIM card registration sa bansa na maaari umanong gamiting dahilan para luwagan ang proseso na magdudulot ng paghina sa kalidad ng mga makukuhang datos.
Nanawagan si Infrawatch PH convenor Terry Ridon sa National Telecommunications Commission (NTC) na huwag bumigay sa mga telecommunication company sakaling hingin ng mga ito na luwagan ang proseso para mapabilis ang takbo ng SIM card registration.
“As the registration process proceeds, it is our position that government should not allow telcos to make shortcuts in the registration procedure,” sabi ni Ridon sa liham kay NTC officer-in-charge Commissioner Ella Blanca Lopez nitong Pebrero 7.
Sa ngayon, 17.5% pa lamang ng mga DITO subscriber ang rehistrado, 13.6% sa Globe at 22.26% sa PLDT/Smart, ayon sa NTC. Sa halos 169 milyong SIM card, nasa 29.4 milyon pa lamang ang rehistrado.
Sa ganitong takbo umano ng SIM card registration, hanggang 69% lamang ang marerehistro pagdating ng deadline at 51.5% ang hindi marerehistro na katumbas ng 51.5 milyong subscriber.
Giit ni Rindon, hindi magagampanan ng SIM card registration ang layunin nitong masawata ang mga scam, spam, at iba pang masasamang gawain sakaling luwagan ang proseso. (Eileen Mencias)