Love triangle ang pinaniniwalaang dahilan kaya pinatay ng isang e-bike driver ang kanyang kapitbahay kahapon matapos maghinala ang huli na may relasyon ang biktima at kinakasama nito sa Talisay City, Cebu.
Pinagpapalo ng tubo hanggang sa duguang tumumba sa kalsada ang biktimang si Jeremy Callao, residente ng Sitio Paglaum, Barangay Dumlog ng nasabing lungsod.
Naaresto naman ng rumispondeng kapulisan ang suspek na kapwa nito e-bike driver at kapitbahay na si Julito Jaranilla.
Sa ulat ng Talisay City Police, naganap ang insidente alas-sais ng umaga matapos makita ng suspek na armado ng tubo ang biktima sa kalsada.
Pinagpapalo umano nito ng tubo sa ulo at katawan ang biktima hanggang duguang humandusay.
Mabilis naman nakaresponde ang mga barangay tanod ng lugar at isinugod sa ospital ang biktima subalit idineklara na din itong dead on arrival.
Napag-alaman na selos ang pinag-ugatan ng krimen matapos maghinala ang suspek na may relasyon ang kanyang live-in partner at ang biktima. (Edwin Balasa)