Tila niluto umano ang pagbibigay ng alokasyon na 100,000 Transport Network Vehicle Service (TNVS) slot sa iisang transport network company lamang na hindi pa tapos ang isyu sa overpricing, ayon sa isang digital advocacy group.
Sabi ng Digital Pinoys, “abuse of dominance” na maaaring humantong sa monopolyo ang ibinigay na 100,000 TNVS slot sa Grab Philippines.
Babala ni Digital Pinoys national campaigner Ronald Gustilo, lalamunin ng Grab ang merkado ng TNVS matapos sabihin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bibigyan nito ng 100,000 bagong prangkisa ang naturang kompanya matapos itong mangako ng investment kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“The pledge and the franchise allotment reeks of abuse of dominance. The government should ensure that fair competition will be upheld, even in the allocation of franchises,” sabi ni Gustilo.
Tanong pa niya, bakit binibigyan ng LTFRB ang Grab ng 100,000 bagong prangkisa gayung nandiyan pa ang reklamo laban sa kompanya ukol sa overpricing at bakit espesyal ang trato dito.
“Why is LTFRB giving Grab special treatment when it is taking them too long to decide on complaints against the overpricing and surge pricing abuse? LTFRB should first decide on the pending complaints before handing out new franchises. It seems that they are tolerating this kind of practice,” sabi ni Gustilo.
Umaalma rin ang Digital Pinoys sa pagbibigay ng prangkisa sa Grab para sa mga motorcycle taxi company. Wala umano sa poder ng LTFRB ang pag-isyu ng permit para sa motorcycle taxi.
Sabi ng Digital Pinoys, hindi kasama ang Grab sa mga participant ng motorcycle taxi pilot program at miyembro lamang ang LTFRB ng programa.
Giit ni Gustilo, patas dapat ang labanan at suportahan dapat ang ibang mga transport network company. (Eileen Mencias)