Narekober na ng mga awtoridad ang ginamit na motorsiklo ng suspek sa pamamaril sa barangay captain sa loob ng isang restaurant sa Barangay San Antonio, Biñan City, Laguna noong Linggo ng hapon.
Ayon sa report ng Biñan City, natunton ng mga imbestigador, ang motorsiklo na inabandona sa likod ng isang department store sa Binan-Sta Rosa access road.
Sa follow up operation at sa beripikasyon sa LTO, napag-alaman na nakarehistro ang motorsiklo sa isang Jeric Billen na umano ay residente ng Barangay San Roque, Angono, Rizal.
Ang may-ari ng motor ang siya ring itinurong person of interest ng pulisya.
Subalit nang puntahan ang nasabing address, ayon sa mga kapitbahay, wala umanong nakatira na may ganung pangalan doon.
Sinusuri na ng mga awtoridad ang motorsiklo at tinitingnan ang mga fingerprints.
Alas-dos ng hapon nang pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek na nakapulang jacket at helmet ang barangay chairman ng San Antonio na si Michael Gonzales habang nakaupo sa loob ng kainan sa kanilang barangay. (Ronilo Dagos)