ARESTADO ang isang lalaki nang ikiskis umano nito ang kanyang siko sa hita ng isang babae sa loob ng isang pampasaherong bus sa Kawit, Cavite Sabado ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Sanistorio Cerino Samato, 44, ng Sapang 2 Ternate, Cavite matapos ireklamo ng isang 36-anyos na babaeng taga-Malainen Bago, Naic, Cavite.
Sa ulat, alas-diyes kamakalawa ng umaga nang naganap ang insidente sa loob ng pampasaherong bus na St. Anthony na may biyaheng PITX-Naic at vice versa kung saan kapwa pasahero ang dalawa.
Galing Naic at patungong PITX ang nasabing bus pero pagsapit sa intersection ng Zeus sa Centennial Road, Barangay Tramo Bantayan, Kawit Cavite ay ikiniskis umano ng suspek ang kanyang siko sa hita ng babae.
Nagreklamo ang babae sa konduktor ng bus dahilan upang kapwa i-turn over ng bus driver ang dalawa sa KTMG office para sa imbestigasyon. (Gene Adsuara)