WebClick Tracer

LIFESTYLE

‘Kasaysayan, kultura at pananampalataya tungo sa Pag-unlad ng Bayan’

‘Kasaysayan, Kultura, at Pananampalataya tungo sa Pag-unlad ng Bayan.’ ‘Yan ang tema ng ika-109 anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan ng Tanza dito sa lalawigan ng Cavite.

Makasaysayan ang aming bayan dahil dito nanumpa noon si Gen. Emilio Aguinaldo bilang unang pangulo ng Republika ng Pilipinas. Mayaman din sa kultura at masidhi ang debosyon at pananampalataya ng mga Tanzeño sa patrong si San Agustin o mas kilala sa tawag na ‘Tata Usteng’.

Mula nang tumama ang pandemya, ngayon na lang muli nakapagdiwang ang bayan nang walang health restrictions. Kaya naman, naging masaya, makulay at makabuluhan ang selebrasyon.

Halos isang buwang may aktibidad sa bayan. Una na rito ang YAP Food Fair na tumagal nang dalawang linggo. Iba’t ibang pagkain at inumin ang tampok dito na talaga namang bumusog sa mga parokyano. Hindi lang mga taga Tanza ang customers. Marami ring dumayo na mula pa sa mga kalapit bayan at lungsod.

Marami ring aktibidad na inilatag ang lokal na pamahalaan.

May kasalang bayan na dinaluhan ng mga mang-sing irog na noon pa nagbabalak mag-isang dibdib pero kapos sa budget. Libreng kasal na, Ninong pa nila ang mga lokal na opisyal ng bayan sa pangunguna ni Mayor Yuri A. Pacumio.

Nag-organisa rin ng free legal consultation ang LGU Tanza para bigyan ng libreng payo ang mga residente kaugnay sa usaping ligal.

May Mega Job Fair ding inorganisa ang LGU sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang pribadong kumpanya at ahensiya ng gobyerno. Mahigit dalawang daang Tanzeño ang hired on the spot. Umabot naman sa isang libo ang bilang ng mga aplikante.

Nagkaroon din ng Mutya ng Tanza na dinaluhan ng mga naggagandahan at nagseseksihang dilag mula sa iba’t ibang barangay sa bayan. Naging magarbo ang beauty pageant dahil sa SM City Tanza idinaos ang coronation night.

Hindi siyempre nawala ang pa-concert ng lokal na pamahalaan na tinawag na ‘JAM Session 2023’. Tampok dito ang mga sikat na singer at performers na talaga namang nagpakilig sa mga manunuod.

Nagbigay rin ng pagkilala at parangal ang lokal na pamahalaan sa mahigit 130 na mga board passers sa iba;t ibang larangan. May tatlong taon din itong nahinto dahil sa pandemya. Ngayong taon, muling kinilala ang galing at husay ng mga Tanzeño.

Sa mismong araw ng selebrasyon nitong February 28, nagbigay ng Ulat sa Bayan ang punong-bayan na si Mayor Yuri A. Pacumio. Inisa-isa niya ang mga accomplishment ng LGU sa ilalim ng kanyang administrasyon. Kasabay nito ang pangakong tutuparin ang iba pang programa sa nalalabing dalawang taon ng kanyang termino.

Muli, ang aking pagbati sa mga kapwa ko Tanzeño – Happy Tanza Day!

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on