WebClick Tracer

LIFESTYLE

Uso pa ba ang pagtitika?

Para sa mga Katoliko, opisyal nang nagsimula ang panahon ng Kuwaresma sa paggunita sa Ash Wednesday kamakailan. Apatnapung araw ito bago ang Mahal na Araw o Semana Santa.

Tuwing ginugunita ito ng Simbahang Katolika, nakaugalian na rin ng mga deboto ang pagtitika at pag-aayuno. Ang tanong, uso pa ba ito sa makabagong panahon?

Hindi maikakailang parang kabuteng nagsulputan ang mga Korean restaurant at iba pang kainan na nag-aalok ng karneng baboy, manok at baka. Laging jampacked ang mga samgyup-salan saan mang dako ng Pilipinas.

Dati-rati pagpatak pa lang ng Ash Wednesday, marami na ang nagtitika. Sa paniniwala kasi ng mga Katoliko, bawal kumain ng masasarap tuwing Kuwaresma. Diet kumbaga. Kasama na rito ang mala-piyestang hapag. Ika nga nila, kailangang makiisa ng mga deboto sa paghihirap na dinanas ni HesuKristo maisalba lang ang sanlibutan sa kasalanan.

Ngunit tila nag-iiba na ang ganitong tradisyon.

Halos dumugin ang mga mall lalo na tuwing pa-weekend na nagsisimula sa Biyernes kung kailan madalas nagkakaroon ng sale. Magugunitang Biyernes namatay si Kristo matapos Siyang ipako sa krus. Kaya ang araw na ito rin ang pinaniniwalaang ‘Araw ng Pagpapakasakit’.

Bukod dito, may ilan ding kakilala akong taong simbahan pero hindi na rin sumusunod sa mga nakaugalian. Nakikisabay raw talaga ang mga nakasanayan sa pagbabago ng panahon.

Hindi man sila on Lenten diet, tinitiyak naman daw nilang nasa puso nila ang paggunita ng Semana Santa. Numero uno na ang paggawa ng mabuti sa kapwa. Wala raw makapapantay sa pagiging Good Samaritan sa ibang tao, higit lalo sa mga nangangailangan.

Sa totoo lang, wala naman sa pagkain ng karne ng baboy o manok tuwing Semana Santa o Mahal na Araw ang pagiging sagrado Katoliko. Nasa puso ‘yan ng bawat deboto.

Ang mahalaga rin, isabuhay natin ang mga salita ng Diyos at sikaping makatulong sa kapwa sa abot ng ating makakaya. Sa ganitong paraan, sigurado akong naging kawangis tayo ni Kristo at naging mabuti tayong ehemplo para sa ibang tao.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on