Naglabas ng statement ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” (KMJS) kaugnay sa ulat na may nahablutan umano ng photocard sa MRT Cubao bunsod ng pag-ere nila ng kuwento ni “Bea”, isang fan na nalulong sa K-pop merchandise.
Ayon sa pamunuan ng “KMJS”, nakipag-ugnayan sila sa MRT-Cubao at sa iba pang kalapit na police station para i-verify ang insidente.
Pero, ayon sa pamunuan ng MRT-Cubao at police stations, walang anumang opisyal na naiulat sa kanila na nanakawan o nahablutan ng K-pop merchandise sa nakalipas na 48 oras.
“Gayumpaman, hinihikayat nilang mag-report sa kanilang tanggapan ang mga nagpakilalang biktima, o sinumang may katulad na insidente para magawan ng aksyon,” pahayag pa ng programa ni Jessica Soho.
Anyway, kinondena ng pamunuan ng “KMJS” ang ginagawang trolling at harassment ng ilang netizen sa kanilang staff na gumawa ng ulat tungkol kay “Bea”.
“Nakikipag-ugnayan na rin ang KMJS sa aming Legal Team para sa susunod na hakbang.
“Tulad ng ibang mga kuwentong itinampok sa KMJS, ginawa namin ang istorya ni ‘Bea’ hindi para manghusga, pero para magsilbing aral at babala. Walang intensyon ang programa na makasakit, makapahamak ng iba, o magkaroon ng pagkakahati-hati,” dagdag pa nito.
Nag-trending ang KMJS nitong March 7 matapos pumalag ang ilang K-pop fan dahil magiging target na raw sila ng nakawan matapos itampok ng programa ang tungkol sa isang babae na nahumaling sa K-pop merchandise, na ang pinakamahal na binili ay photocard na nagkakahalaga ng P50,000.
Ilang netizen ang naalarma matapos kumalat ang ilang pangyayari kung saan hinahablot umano ang ilang photocard.
Ayon sa isang netizen, nahablot umano sa MRT Cubao ang kanyang “Sunghoon Engene Zone”.
Kaya maling-mali raw na ni-reveal sa “KMJS” ang halaga ng mga photocard. (Issa Santiago)