WebClick Tracer

LIFESTYLE

Tigilan na ang piso fare

Napakasarap pakinggan ang katagang piso fare.

Pinauso ito ng ilang airline company sa bansa upang makaakit ng mga mananakay at mawala ang paniniwalang ang pagsakay sa eroplano ang pinakamagastos na uri ng transportasyon sa bansa.

Kaya nga sa unang dinig ay talagang maeengganyo ang mga nag-iisip maglakbay, lalong lalo na ang mga hindi pa nakakasakay ng eroplano, na subukan ang transportasyon na ito.

Pero sa totoo lang, hindi naman talaga piso lamang ang dapat ilaan ng mga sasakay ng eroplano sa ilalim ng katagang piso fare dahil ang totoo ay umaabot ito ng libu-libo rin.

Kaya parang naloloko din ang ating mga kababayan.

Bigla ko tuloy naalala ang isang situwasyon na aking nakita noong ako ay nasa kolehiyo pa lamang at nakapila sa counter ng isang kilalang fastfood chain.

Ang sinusundan ko sa pila ay isang may edad nang dayuhan na nang magbabayad na ay nagreklamo dahil hindi daw ang presyong nakalagay sa display board ang sinisingil sa kanya kundi higit pa dito dahil hindi pa pala kasama sa nakapaskil ang value added tax (VAT).

Nagmatigas ang dayuhan kaya napilitan ang kahera na tanggapin na lamang ang ibinabayad nito batay sa presyong nakadisplay pero ito ay tila naging aral sa kanila at nang sumunod na mga araw ay ang presyo nang may nakapaloob na value added tax ang nakadisplay.

Dapat ay ganito din ang mga airline companies, hindi ‘yung nagbibigay sila ng maling pag-asa sa mga gustong bumiyahe sakay ng eroplano.

Kung tutuusin kasi ay hindi rin naman malayo ang ipinagkaiba ng presyo ng mga tiket sa ilalim ng piso fare sa karaniwang ibinabayad dahil kadalasang one lamang naman ang promo na ganito kaya pagbalik, no choice ang pasahero kundi magbayad ng regular na pamasahe.

Ang isa pang nakakainis ay ang airline company din ang nagtatakda at nasusunod kung kailan puwedeng sumakay ang mga pasaherong naganyak na kumuha ng piso fare.

Hindi ko alam kung bakit tahimik din lamang ang DTI at ang DOTr sa mga ganitong uri ng kalokohan na tila baga ay parang hinahayaan na lamang nilang mangyari at magkamot ng batok ang mga pasaherong naghahanap ng tsansa na makapagbiyahe sa mura-murang paraan.

Panahon na rin siguro na kailangan na may mambabatas na maghain ng panukalang magbabawal na sa ganitong kalokohan at sa halip ay ang totoong babayaran ng bawat pasahero ang ipaskil at inanunsiyo.

Huwag nating bigyan ng maling pag-asa ang ating mga mananakay.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on