Nitong Huwebes, magkasalungat ang pahayag ng dalawang ahensiya ng gobyerno pero parehong tama ang kanilang pinagbabasehan.
Tinutukoy natin ang pahayag ng Philippine Statistic Authority (PSA) na tumaas sa 4.8 percent ang unemployment rate noong Enero, 2023 kumpara sa 4.3 percent noong Disyembre, 2022. Katumbas ito ng 2.37 milyong Pilipino na walang trabaho.
Paliwanag ni National Statistician Dennis Mapa, dumami ang trabaho noong bago mag-Pasko. Siyempre, marami ang gustong magsunog ng kanilang pera kaya abala ang sektor ng wholesale at retail trade. Dagdag pa riyan, marami rin ang nagpapa-spa.
Sa pagtaya ni Mapa, 375,000 ang nawalan ng trabaho sa wholesale at retail trade kasama na ang bumubutingting sa mga sasakyan noong Enero at 255,000 naman ang nawalan ng trabaho sa iba pang personal care service at admin and support activities.
Ang masamang balitang ito, binaligtad ng National Economic and Development Authority (NEDA) nang gawin nila itong positibo.
Imbes na ikumpara ang datos ng unemployment noong Enero 2023 sa nagdaang buwan, ikinumpara ito sa datos noong Enero 2022 kung saan naitala ang 6.4 percent na unemployment.
“The latest employment indicators show the robust recovery and growth of our labor market from its slump in January 2022, when the surge in Omicron cases prompted stringent mobility and capacity restrictions,” saad ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan sa press release.
Tama naman ang basehan ni Balisacan pero dapat ay kinukumpara sa nagdaang buwan at hindi sa nagdaang taon.
Ang PSA independent. Ang NEDA chief mukhang papogi lang sa Malacañang.
Hindi lang siya ang mahilig sa papogi, kasama na riyan si Finance Secretary Benjamin Diokno.
Noong binalita ng PSA na bahagyang bumaba sa 8.6 percent ang inflation noong Pebrero mula sa 8.7 noong Enero, to the rescue na naman si Diokno.
Sabi niya, magkakaloob ng ayuda ang gobyerno sa 9.3 milyong pinakamahirap na Pilipino sa bansa. Nagkakahalaga ito ng P500 bawat buwan sa loob ng dalawang buwan. Naglaan na raw sila ng P26.6 bilyon para rito.
Ang masasabi ko lang rito, para itong kaning bahaw na ginawang fried rice.
Dati nang inanunsyo ni Diokno may dalawang linggo na ang nakaraan na magkakaloob sila ng tig-P1,000 ayuda sa 9.3 milyong benepisyaryo.
Baka naman pagdating ng ulat sa March inflation, ibida naman ng DOF chief na ibibigay na ang kapupunan na P500.
Halatang minamasahe ang negatibong isyu para magpabango. Ang problema, kahit lagyan ng pabango ang masangsang na amoy, lalabas at lalabas pa rin ang katotohanan na maraming Pinoy ang patuloy na naghihirap.