Sino raw itong laos na aktres ang gustong magsampa ng kasong libelo pero inayawan ng bigating abogado?
Kuwento ng isang impormante kay Mang Teban, napikon daw kasi ang aktres sa news item na kinuyog siya ng mga netizen dahil mukha na raw itong retokada.
Imbes na palagpasin ang isyu, aba’y nagbalat sibuyas ito, palibhasa ay mura na lamang ang bawat kilo ng sibuyas ngayon sa talipapa.
Banat agad niya, kakasuhan niya ang news site dahil sa mapanirang headline na kinuha sa mga bungangerang netizen.
Bagamat maraming yakman ang nag-init sa kanyang pasilip sa social media ay marami rin ang umokray sa kanya at pinintasan ang pangangatawan.
Ang classic nito, gigil daw ang aktres na kasuhan ang news site kaya lumapit siya sa isang abogado de campanilla.
Pero nabigla ang aktres dahil ni-reject siya ng bigating abogado. Eh paano ba naman kasi, gusto ng aktres ay libre as in laway lang para makuha ang serbisyo ng abogado.
Napapaghalata tuloy na purdoy na ito dahil walang masyadong pumapasok na raket kaya pati serbisyo ng abogado ay gustong gawing libre. Malas niya at hindi tumatanggap ng ex-deal ang abogado.
Clue. Ang aktres ay nakilala sa isang sikat na pakontes na hindi pa man sumisikat, nalaos agad.