WebClick Tracer

OPINION

Sayang pondo sa Cha-cha

Nagsasayang lang ba ng pondo ang Kamara de Representantes at si Senador Robin Padilla sa pagsusulong ng panukala para masusugan ang 1987 Constitution?

Hindi biro ang ginastos ng komite ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez sa pagdaraos ng consultation sa iba’t-ibang panig ng bansa bago ito nakapasa sa Kamara.

Tinulak nila ang pagbuo ng Constitutional Convention o Con-Con para masusugan ang Konstitusyon. Magastos ang prosesong ito na sa inisyal na pagtaya ay aabot ng P20 bilyon.

Ang komite naman ni Sen. Padilla, nagsagawa rin ng consultation. Pero imbes na Con-Con, Constituent Assembly ang gusto ng senador. Mas matipid ito kaysa sa Con-Con.

Sinabi na ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nagsasayang lamang ng panahon si Padilla dahil hindi naman lulusot ang Cha-Cha sa Senado.

Pero nagdeklara naman si Padilla na hindi siya susuko sa pagsusulong ng Cha-Cha kahit binalaan na siyang mapupunta lang ito sa kangkungan.

Nagbigay din si Padilla ng katiyakan sa kapwa senador na ang kanyang tinututukan ay ang pag-amyenda ng pitong economic provisions sa Saligang Batas, sa pamamagitan ng Con-Ass, at hiwalay na pagboto ng Senado at Kamara.

Ayaw rin ng senador na makipagusap kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu, dahil ayaw niyang maisip ng taumbayan na kontrolado ng Ehekutibo ang Lehislatibo. Masarap pakinggan kahit alam naman nating kabaligtaran ito.

“Mas magandang maisulat sa kasaysayan di ako lumapit kanino man nilapit ko sa taumbayan, tinanggihan man ng Senado natalo ako pero alam ng tao pinanindigan ko position ko. ‘Di importante ang nanalo ako pero nag-bow ako, no way,” aniya.

Kung minsan, mapapaisip ka na maganda ang prinsipyo ni Binoe kaysa sa ibang mambabatas na lantaran kung sumipsip sa administrasyon.

May kahihinatnan ba ang pagsusulong nina Padilla at Rodriguez sa Cha-cha kung mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagsabing hindi ito kasama sa prayoridad ng kanyang administrasyon?

Mula noong administrasyong Ramos hanggang sa kasalukuyan, hindi nawawala ang pagtatangka sa retokihin ang Konstitusyon.

Sa panahon ni Ramos, doon muntik magkaroon ng katuparan ang Cha-cha sa pamamagitan ng People’s Initiative. Pero may mga nagsasabi naman na ginawa lamang ito ni “tabako” upang hindi siya maging lame duck president.

Sa ngayon, wala pang linaw kung magkakaroon ng katuparan ang Cha-cha. Ang kumpirmado pa lamang, malaki na ang nagastos ng mga mambabatas sa pagdaraos ng public hearing.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on