Patay ang 62-anyos na lola, at isa pang babae sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa bayan ng Buenavista at Sariaya sa Quezon, Lunes ng gabi.
Ayon sa report ng Quezon police provincial office, nasawi ang 62-anyos na biyuda na si Elena Medalla nang barilin habang nakikipag-inuman sa mga kaibigan sa balkonahe ng kanyang bahay sa Sitio Tiwtiw, Brgy. San Diego.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas 10:00 ng gabi, habang tumutungga ng alak, nilapitan ang biktima ng ‘di pa nakilalang suspek at binaril ng sumpak sa likuran.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima matapos na tumagos sa dibdib ang bala ng sumpak.
Samantala, sa bayan ng Sariaya, Quezon, patay din ang 46-anyos na ginang na si Angelina Limen, na binaril ng ‘di kilalang gunman na kumatok pa sa kanilang bahay dakong alas 12:00 ng hatinggabi.
Batay sa report ng Sariaya police, natutulog na ang biktima at ang kanyang mister ng may kumatok at nang pagbuksan ng ginang ay agad siyang binaril ng suspek.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa mga nangyaring krimen. (Ylou Dagos)