WebClick Tracer

LIFESTYLE

Mag-uuling ng Sitio Lagting

Makalipas ang labinlimang taon, muli akong nakabalik sa Sibuyan Island, Romblon para mag-host ng dokumentaryo ng isang private production company.

Ang aming pakay, i-cover ang mga batang nag-uuling sa Sitio Lagting, Barangay Taclobo sa bayan ng San Fernando.

Imbes mag-aral, mas pinilipi ng ilang batang katutubo na tumulong sa mga nakatatanda para may pandagdag na pambili sa kanilang araw-araw na mga pangangailangan. Gaya ni Manuel Rural, sa edad na 8, tumutulong na siyang magbanat ng buto para malamnan ang kumakalam na sikmura.

Sumama ako sa paghango nila ng uling sa kabundukan ng Sitio Lagting.

Hindi biro ang ipinamalas na determinasyon ni Manuel. Bukod sa pag-iigib ng tubig, siya rin ang humahango ng mga uling na nakabaon sa ilalim ng lupa. Dahil nagbabaga pa ang mga ito, hindi maiwasan na mapaso siya kung minsan.

Kasama ni Manuel sa pag-uuling ang kanyang lola na si Lucy Recto. Bakas sa mukha ng mag-lola ang hirap at sakripisyo.

Ang naiipong uling, isinasako nila. Magkatuwang din ang mag-lola sa pagbubuhat ng mga sako pababa ng bundok para maibenta.

Mahirap bumaba ng bundok na may buhat-buhat kang mabigat. Kaya talaga namang nakakaantig ng puso ang ipinakitang sipag at lakas ng dalawa.

Nag-aaral si Manuel, pero madalas – lumiliban sa klase para makatuwang ng kanyang lola sa pagtatrabaho.

Pero nang tanungin namin, gusto raw niyang makatapos ng pag-aaral at balang araw ay maging pulis para hindi habambuhay na makaranas ng kahirapan.

Ang mga batang gaya ni Manuel, talaga namang kapuri-puri! Sa kabila ng paghihirap, determinado pa rin sa mga hamon ng buhay.

Isa lang ang dalangin ko para sa mga batang katutubo ng Sitio Lagting, at sa iba pang mga batang pinagkaitan din ng kasaganaan, maging maayos nawa ang kanilang kinabukasan sa tulong ng mga kinauukulan.

Abangan ang buong kuwento ni Manuel at ng iba pang mga batang taga Sitio Lagting sa Facebook page ng Istoryang Romblomanon.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on