May paandar ngayon ang Land Transportation Office (LTO) para mapag-ibayo pa ang kanilang serbisyo sa publiko.
Tinawag ang programa ng LTO na “Isumbong Mo Kay Chief!”
Layon ng programang ito ng LTO na tugunan ang reklamo ng publiko laban sa kanilang serbisyo online.
Base sa LTO kailangang ma-scan ang QR code para maka-access sa online form ng reklamo o rekomendasyon.
Dadaan ang reklamo sa LTO operation center na siyang gagawa ng aksisyun sa ilalatag na reklamo.
Aminado si LTO Chief Assistant Secretary Jay Art Tugade na may pagkukulang ang ahensya at kailangang bumawi kaya isinakatuparan ang programang ‘Isumbong mo kay Chief’.
Ang diskarteng ito ng LTO ay parang paghingi ng suhestiyon sa publiko para lalong mapag-ibayo ang kanilang pagganap.
Bukas ang programang ito sa buong bansa kaya walang dapat ipag-alala ang malalayong lugar na problemado sa serbisyo ng LTO.
Magandang programa ito lalo na’t parang walang pagbabago sa problema ng LTO sa naglipanang mga fixer.
Halos lahat ng sangay ng LTO lalo na sa Metro Manila ay naglipana ang mga fixer na akala mo ay lehitimo ang serbisyong inaalok sa mga motorista dahil nagkalat sila sa paligid ng LTO.
Isa lang ‘yan sa concern ng maraming motorista na dumudulog sa LTO na na sana ay mabigyang pansin ng sinasabing ‘Isumbong mo kay Chief’ program.
Pero siyempre ay naniniwala akong hanggang ngayon ay may mga kasabwat pa ring mga taga-LTO ang mga fixer na ito kaya ang lalakas ng loob na dumisplay sa bisinidad ng LTO.
Ang mga kasabwat ng mga fixer ang dapat na mawalis ng bagong pamunuan ng LTO para maniwalang kaming seryoso ito sa pagtugon sa mga sumbong sa ‘Isumbong mo kay Chief.’
Hindi naman siguro papogi lang ang programang ito dahil tiyak na bakbak ang abot nito sa publiko lalo na’t napakadali na pumuna sa kapalpakan ng gobyerno gamit ang social media.
****
Nakakawindang talaga ang rebelasyong ibinibigay umano ang 30% hanggang 70% ng nakukumpiskang ipinagbabawal na gamot sa mga impormante o asset bilang reward sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga operasyon ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Isiniwalat ito ayon kay House Committee on Dangerous Drugs chairperson at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ng dalawang impormante na humarap sa executive session ng komite.
Nangyayari na umano ang kalakarang ito sa nakalipas na dalawang dekada, ayon kay Barbers.
Nangako si Barbers na kukuha pa ng mga ebidensya at papangalanan ang mga nasa likod ng sistemang ito sa mga susunod na pagdinig ng komite.
Mukhang kaya hindi matapos-tapos ang problema ng bansa sa ilegal na droga dahil sa kalakarang ito.
Ngayong nabunyag na ito dapat ay mabago ito. Parang walang pinag-iba sa sindikato ang gobyerno kung patuloy na susundin ang kalakarang ito.
Ang dapat gawin ng mga awtoridad ay palakasin ang kanilang intelligence na siksik naman sa pondo kesa iasa sa mga impormante na baka naman ginagawa ng negosyo ang pagpapel bilang asset.